Abante Tonite Interactive

Word war sa EJK sumiklab

By
11

Sumiklab ang word war sa pagitan nina Senador Antonio Trillanes IV at Richard Gordon matapos palagan ng una ang committee report kung saan inabsuwelto si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings (EJKs) sa bansa.

Sa interpelasyon ni Trillanes sa report ng Se­nate committee on justice and human rights sa isinagawang imbestigasyon sa mga patayan kasabay ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kinuwestiyon ng senador ang findings ng komite na hindi naging state sponsored ang EJKs.

Aniya, dahil sa na­ging pahayag ni Pangulong Duterte na patayin ang mga drug suspect na manlalaban sa pulisya, halos 97% ng operasyon ng pulisya ay nauuwi sa barilan kung saan pala­ging patay ang mga drug suspect dahil sa nanlaban.

Hindi rin pinalampas ni Trillanes ang nilagay sa committee report na “bad behavior” umano niya nang itakas ang self-confessed hitman na si Edgar Matobato sa hearing ng komite noong Oktubre 3.

Ayon kay Trillanes, nagsinungaling din si Gordon sa pakay ng pakikipag-usap niya rito sa kanyang opisina, nang ipalabas sa media na nag-apologize siya sa pagpapauwi kay Matobato.