Abante Tonite Interactive

Work from Home Law makabawas sana sa trapiko — Palasyo

By
208

Umaasa ang Malacañang na makakatulong sa pagbawas ng problema sa trapiko ang bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapagtrabaho kahit nasa bahay.

Ito ay matapos lagdaan ng Pangulo ang Republic Act 11165 o ang Telecommuting Act noong Disyembre 20, 2018.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang Telecommuting Act o Work From Home Law ang bagong pamantayan sa paggawa sa pamamagitan ng computer technology.

Umaasa aniya ang Palasyo na sa sandaling ma­ging epektibo ang batas ay makabawas ito sa problema sa trapiko dahil hindi na makikipagsiksikan sa kalsada ang mga pumapasok sa mga opisina.

“With this full implementation, we are optimistic that this arrangement can also contribute in easing the traffic conditions in Metro Manila and in other urban areas,” ani Panelo.

Pinasalamatan ng Malacañang ang mga mambabatas na nagsulong at nagpasa sa batas dahil mayroon nang alternatibo at opsyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa ilalim ng batas, makakakuha ng patas na pagtrato ang mga manggagawang magtatrabaho mula sa kanilang tahanan pati na sa benepisyong dapat na tanggapin ng mga ito.

Sinabi ni Panelo na tiwala silang maayos na maipapatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang batas para sa kapakanan ng mga manggagawa mula sa pribadong sektor.

“We are confident that the DOLE will perform thoroughly as it leads the government put into action the directives of the law.

“President Duterte’s signing of the Telecommunications Act is indeed a recognition of an emerging and innovative Filipino workforce,” wika pa ni Panelo.