Abante Tonite
Mabilis sa Balita

WPS gawing isyu sa eleksiyon 2022

0 191

Lubhang mahalaga sa kinabukasan ng mga Pilipino ang ating pag-aaring West Philippine Sea (WPS) na ngayon ay inaangkin at kinukubkob ng China.

Ayon nga sa aking panayam sa maritime expert na si Professor Jay Batongbakal dapat ay gawing isyu sa eleksiyon ang WPS at tiyakin ng mga Pilipinong botante na ang maluluklok sa poder partikular ang Pangulo ng bansa ay ang magpupursige na mabawi ang buong WPS na karamihan sa isla ay inokupahan na ng China.

Ipinaliwanag ni Professor Batongbakal na malaki ang maiaambag sa food security ang WPS at lalo na sa ekonomiya sa kabuuan dahil sa yamang taglay tulad ng langis na maaring maging source ng kita ng ating gobyerno.

Sa kasalukuyang Duterte administration ay walang maasahan ang mga Pinoy na ipaglalaban ang WPS dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay takot na bumangga sa China.

Mismong sa bibig ni Pangulong Duterte ay narinig natin na takot siya na kalabanin ang China dahil baka mauwi daw sa giyera kung ipipilit ang ating karapatan sa WPS.

SM food to go Banner Ad

Kaya naman ay marapat na magising na ang mga Pilipinong botante at ating unawaing mabuti ang malaking kawalan sa kabuhayan at kayamanan ng Pilipinas at ng buong sambayanan kung hahayaan natin na makulimbat ng China ang WPS.

Magandang pagkakataon ang eleksiyon 2022 dahil may pagkakataon ang lahat ng pumili ng Pangulo ng bansa na maaring manindigan laban sa pagkamkam at pag aangkin ng China sa WPS.

Mayroon namang pinanghahawakan ang Pilipinas na domumento at ito ay ang nakuha nating paborableng desisyon noong July 12,2016ng Permanent Court of Arbitration na nakabase sa The Hague , Netherlands na nagdeklarang nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ang WPS na inaangkin ng China.

Sana ay magkaisa ang mga Pilipino na iboto ang mga magsusulong sa ating karapatan sa WPS at huwag na huwag palulusutin na manalo ang mga kandidato na kumikiling sa China..

Sa madaling salita ay alam na natin na kung ang kasukuyang Duterte administration ay nagpapakita ng takot sa China ay marapat lang na lahat ng kandidatong iendorso nito at may kaugnayan dito ay ating ibasura sa eleksiyon 2022 upang matiyak natin ang magandang kinabukasan ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.