Abante Tonite Interactive

WRIGHT MOVE!

210

Napakawalan ng Star ang 14-point cushion, pero sa dulo ay rumesponde ng pamatay na move si Joel Wright para itakas ang Hotshots, 104-103, laban sa makulit na Meralco Bolts sa PBA Governors’ Cup sa Mall of Asia kagabi.

Tumapos si Wright ng 27 points, huli ang game-winner na floater bago naubos ang game clock, at 14 rebounds. Umayuda ng 16 si PJ Simon at may tig-15 sina Marc Ping­ris at Marc Barroca sa Star na umangat sa 2-7 at kahit paano ay may pag-asa pang humabol sa eight teams na bibiyahe sa quarterfinals.

“I don’t know how much chances we have,” bulalas ni Hotshots coach Jason Webb. “The most important thing is, the guys continue to believe in each other. All credit goes to all the veterans, all guys, total team effort.”

Napigil sa 5-5 ang Bolts, giniyahan ng 27 points ni Allen Durham at 20 Chris Newsome.

Sa unang laro, lumabas ang hinahanap na angas ni coach Boyet Fernandez mula sa kanyang NLEX Road Warriors nang burahin ang 48-27 second quarter lead ng Rain or Shine hanggang ibaon ang Elasto Painters, 111-99.

Tumikada ng 23 points si Henry Walker sa NLEX, nag-deliver din sina Garvo Lanete at ang dalawang Villanueva — Enrico at Jonas — pati si Sean Anthony.

Off-the-bench ay naglista si rookie Lanete ng season high-tying 21 points sa 6 for 9 3-point shooting, nilista ni Anthony ang 10 sa 12 points niya sa fourth quarter, may season-high 14 si Enrico — seven dito sa final period — at namigay si Jonas ng 10 assists.

“It’s nice to get this win and give ourselves a chance to fight for another slot in the playoffs,” lahad ni Fernandez matapos akbayan ng Road Warriors ang biktima sa 4-5.