Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Wright, Phoenix tinik sa Gin Kings

0 243

Laro ngayon sa DHVSU Gym (Bacolor, Pampanga)

4:35 pm Barangay Ginebra vs Phoenix Fuelmaster

Pilit huhugot ng lakas ang Barangay Ginebra kina Joe Devance, Jeff Chan, Stanley Pringle at LA Tenorio sa hangad nitong mapanatili ang bitbit na korona sa pagsagupa sa matagal napahinga na Phoenix Fuelmasters sa do-or-die na labanan para sa huling silya patungo sa quarterfinals ng 2021 PBA Philippine Cup sa DHVSU Gym sa Pampanga.

Puwersado ang Gin Kings na maisalba ang natitirang tsansa nito ganap na alas-4:35 ng hapon kontra Fuelmasters na sasandigan sina Matthew Wright, Jason Perkins, Chris Banchero, Larry Muyang at RR Garcia sa pag-aagawan sa ikawalo at huling silya sa playoffs.

Nanatiling buhay ang Ginebra sa labanan sa huling silya sa playoffs matapos na unang manganib mapatalsik dahil sa nalasap na masaklap na 66-79 kabiguan kontra Meralco noong Huwebes.

Gayunman, kahit natamo nito ang 4-7 panalo-talong karta sa pagtatapos ng eliminasyon ay nasungkit nito ang isang matira-matibay na labanan kontra Phoenix para sa ikawalo at huling silya sa quarterfinals matapos na magwagi ang NorthPort Batang Pier kontra Alaska sa huling laro din noong Huwebes.

Ang panalo ng Batang Pier ay pumigil sa pagkakaroon ng four-way tie sa ikawalong puwesto sa pagitan ng Alaska, Ginebra, Phoenix at Terrafirma na dapat sanang magpatalisik sa Gin Kings sa playoff dahil sa tiebreak system.

Makakarahap ng magwawagi sa Ginebra-Phoenix playoff ngayong gabi ang top-seed TNT na bitbit din ang matindi na dalawang beses dapat talunin sa quarterfinals.

Gayunman, hahanap ng lakas ang Gin Kings na dalawang sunod na nakalasap ng kabiguan at hindi makakasama ang big man nito na si Japeth Aguilar na may MCL at si Scottie Thomson dahil sa health at safety protocol ng liga.

Dalawang sunod din nakalasap ng kabiguan ang Phoenix sa huli nitong dalawang laro upang mahulog sa playoff.

Pilit na iiwasan ng Fuel Masters na maulit ang nalasap nitong 87-94 kabiguan sa Ginebra noong Setyembre 15 kung saan ay humabol ang Gin Kings mula sa 19 puntos na pagkakaiwan upang agawin ang panalo. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.