Abante Tonite Interactive

WSOP Main Event dinumog

200

ALL-N

Tulad ng inaasahan ay dinagsa ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang World Series of Poker (WSOP) Main Event na ginaganap sa Rio All-Suite Hotel & Casino sa Las Vegas, Nevada.

Para kasi sa mga player, ang WSOP Main Event ang itinuturing nilang World Championship sa poker. Uma­bot sa 8,569 ang sumali na pangalawang pinakamarami sa kasaysayan ng Main Event.

Pinakamarami pa rin noong 2006 kung saan 8,773 lahat ang sumali at umabot sa $82,512,162 ang prize pool. Nagwagi noon si Jamie Gold na nag-uwi ng $12 milyon. Ngayong taon ay nasa $80,548,600 ang prize pool at $10 milyon ang mapupunta sa kampeon.

Magiging milyonaryo lahat ang siyam na makakapasok sa final table dahil ang unang masisibak sa kanila ay may garantisadong premyo na $1 milyon.

Sa Martes ng gabi (Miyerkoles ng umaga sa Pilipinas) natin malalaman kung sino ang magiging world champion sa poker ngayong taon. Siguradong merong kokoronahan na bagong kampeon sa Main Event dahil sibak na lahat ang mga dating nagwagi sa mga nakalipas na edisyon ng torneo, kabilang na ang nanalo noong 2018 na si John Cynn.

Base sa huling update na ating nakita sa WSOP website ay medyo umalagwa sa pagtatapos ng Day 5 ang chip leader na si Timothy Su. Meron na pong 19,235,000 chips si Su habang nasa 11M-mark lang ang apat na manlalarong nakabuntot sa kanya.

Pero mahaba pa masyado ang laban. Sa ating pagkakaalam ay nasa 57M ang average chips ng mga papasok sa final table kaya hindi pa puwedeng mag-relax itong si Su.

Sa susunod nating kolum ay ibabahagi ko sa inyo ang mga naging kaganapan sa final table ng Main Event.