Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Wyeth kinonsensiya sa sinibak na 21 manggagawa

0 82

Kinondena ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang iligal umanong pagsibak sa 21 manggagawa ng Wyeth Nutrition Philippines na pag-aari ng Nestle sa gitna ng nararanasang pandemya sa bansa.

Ayon sa mga grupong Drug and Food Alliance-Kilusang Mayo Uno (DFA-KMU) at Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU), ipinaalam ng management ng Wyeth ang pagsibak sa 21 manggagawa pagkatapos ng isinagawang team building para sa mga empleyado noong Setyembre 30.

Kabilang umano sa sinibak ang isang opisyal ng unyon na nakatalaga sa Warehouse and Quality Assurance Division.

Tinukoy diumano ng management ang labis na bilang ng mga manggagawa bilang dahilan ng pagbabawas ng empleyado.

Subalit sinabim ni Daisy Arago ng CTUHR na nakakaduda ang tiyempo ng pagli-layoff ng Wyeth lalo pa at halos 10 hanggang 20 taon na ang serbisyo ng mga naapektuhang manggagawa na naging bahagi sa pag-angat ng kompanya sa mga nakalipas na taon.

Ang Wyeth Nutrition, na 106 taon na sa industriya, ang gumagawa ng mga gatas na Promil, Promil Gold at MamaPro.

Pakiramdam umano ng mga manggagawa ay trinaydor sila ng management at hindi man lang pinahalagahan ang kanilang paglilingkod sa gitna ng peligro ng COVID kung saan ay isa sa mga kasamahan nila ang tinamaan at namatay sa naturang virus noong Agosto.

Iginiit din ng mga manggagawa na iligal ang ginawa ng management dahil paglabag ito sa umiiral nilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na kanilang pinaghahandaan para sa 2022. (Mia Billones)

Samantala, sa isang dayalogo kasama sina Kabataan party-list Rep. Sarah Elaga, Department of Labor and Employment (DOLE) at mga kinatawan ng unyon, tiniyak ng management ng Wyeth Philippines na may malasakit sila sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa at hindi umano nakikialam sa mga aktibidad ng unyon. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.