Abante Tonite Interactive

Xian na-bully noon, brusko ngayon

242

NI: ALLAN DIONES

Sa tangkad at laki ng pangangatawan na ‘yon ni Xian ay naranasan niya palang ma-bully nu’ng bata pa siya.

In fact, nagawa niyang humalik sa sapatos ng isang bully nu’ng nag-aaral pa siya sa Amerika. Kaya meron siyang Instagram post about bullying nu’ng pumutok ‘yung viral video ng bully kid from Ateneo dahil siya mismo ay nakaranas ng ganu’n.

Ang sabi sa amin ni Xian, ginawa niya ‘yon dahil sa takot. Wala rin siyang ka­ibigan nu’ng mga panahon na ‘yon. More than 10 times ang bullying incidents na naranasan niya when he was in middle school.

Nasa 12 to 14 ang edad niya noon at madalas siyang mapagtripan sa eskuwelahan. Kinukuha ang pera niya at binu­bugbog siya, kaya dumating sa point na sa CR siya kuma­kain.

Hanggang high school niya sa States ay hindi niya na-enjoy because he was a scared kid. Naranasan niya ring matutukan ng kutsilyo at kunin ang bagong bili niyang sapatos.

Na-overcome ni Xian ang ­trauma ng mga ‘yon through sports. Kaya raw siya nag-basketball para ma-expose siya sa mga tao at magkaroon siya ng mga kakampi.

“That’s why I wanted to reach out din sa mga nabu-bully na you have to speak up. Kasi ako, I kept it to myself ­because I was really scared.
“Kaya I felt the need na mag-post. I think, maybe it can help and marami ring nag-message sa akin.

“I mean, part lang naman ‘yon. May mga masasaya rin siyempre (na memories sa Amerika). I found friends din along the way. Gusto ko lang may mapick-up ang mga tao na it really happens and it happened to me.

“Sa mga naka-experience ng gano’n, don’t be afraid to speak up dahil may mga kakampi kayo. And if you’re suffering from depression, there are people to talk to and there are people who care,” seryosong ­sambit ni Xian.

Handa na sa lampungan kay Kim

Balanse ang relasyon nina Xian Lim at Kim Chiu ­dahil introvert ang isa at ang isa naman ay hyper.

Natatawang kuwento sa amin ni Xian, sa kanilang dalawa ay siya ang palaging nag-a-adjust at siya rin ang madalas nagso-sorry.

Wala naman daw silang matitinding away ni Kim. Oras lang ang kadalasang nagiging isyu dahil ang dami nilang ginagawa, nakakalimutan nila ang isa’t isa at matagal silang hindi nagkikita.

Ayaw sabihin exactly ni Xian kung gaano katagal na ang ­relasyon nila ni Kim, basta a ­couple of years na raw.

Ayon sa 29-anyos na ­Chinito hunk, nahumaling siya sa 28-­anyos na si Kim dahil sa ­sobrang lambing nito.

Ang sikreto ng KimXi ay open daw sila sa isa’t isa. Hindi sila nagtatago ng sikreto at kung meron mang hindi pagkakaintindihan ay pinag-uusapan nila kaagad.

Feeling ni Xian ay si Kim ang mas nagseselos sa kanilang dalawa dahil mahilig daw itong magtanong, pero never umabot sa sumbat at never din itong naging bossy sa kanya.

Aminado si Xian na nami-miss na niyang katrabaho ang nobya niya. Ang last movie ng KimXi ay “Past Tense” pa nu’ng 2014 and after that ay gumawa sila ng mobile series na “Must Date the Playboy” (2015) at ‘yun na ang huli nilang pagtatambal.

Recently ay may daring love scene si Kim sa MMFF 2018 entry na “One Great Love” at okey lang daw ito kay Xian.

Kung mga bata-bata pa raw sila ay baka magulat siya, pero nauna rin kasi siyang gawin ‘yon sa “Sin Island” at meron din silang intimate scene ni Louise ­delos Reyes sa ­upcoming movie niya na “Hanggang Kailan?”
May nagawa silang slight love scene noon ni Kim sa tele­seryeng “The Story of Us” pero hindi daring.

Sakaling may movie sila na may mapangahas na love scene ay kaya na raw nila ‘yon ni Kim, kung ka­i­langan talaga sa istorya.

Tinaasan ng kilay ang pagdidirek

Hindi lang bida si Xian kundi co-producer din sa Viva Films movie na “Hanggang Kailan?”

As in may inilabas daw siyang pera rito. Aniya, it’s something na talagang gusto niyang gawin.

This year ay matutupad na rin ang pangarap niyang magdirek ng pelikula dahil pumasok ang indie film niyang “Tabun” sa Cinemalaya 2019.

Bukod sa direktor at co-producer ay co-writer din siya ng nasabing mystery-thriller film na wala pang napipiling cast. End of January o first week of February niya raw ito sisimulan at sa August ito mapapanood sa Cinemalaya.

Aware si Xian na may mga nagtataas ng kilay dahil naisipan niyang magdirek kaagad, pero gusto niya lang daw talagang gawin kung anong nasa puso niya.

Sa tingin ba niya, kaya na ­niyang magdirek ng pelikula?

“Kayang-kaya. Hindi naman sa confident, pero sino pa bang maniniwala sa akin? Kung hindi ako naniniwala sa sarili ko, eh wala na talagang mangyayari,” katwiran ng 6’2” na ­binata.

Sa romantic drama na “Hanggang Kailan?” na pre-Valentine offering ng Viva Films ay si Louise delos Reyes ang katambal ni Xian.

Sa February 6 ang showing sa mga sinehan nationwide ng ­pelikulang kinunan pa sa Saga Prefecture sa Japan.