Abante Tonite Interactive

Yaya Kinidnap ang alagang sanggol

By
2,515

Naaresto sa pantalan ng Tabaco City sa lalawigan ng Albay ang isang yaya makaraang tangayin nito ang sanggol na kanyang ina­alagaan sa bayan ng Virac, Catanduanes kamakalawa ng hapon.

Nabatid na may walong araw pa lamang na naisisilang ang kinidnap na sanggol at pinaalagaan ng pamil­ya nito sa suspek na nakilalang si Jocelyn Cruzada, 30-anyos at taga-Castilla, Sorsogon.

Matapos maaresto ay agad na pinosasan ng mga pulis paglapag sa Tabaco Port si Cruzada at nabawi rin ang sanggol na tinangay niya mula sa pamilyang kanyang pinaglilingkuran.

Ayon kay Senior Ins­pector Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Regional Police Office, nadiskubre ng pamilya na nawawala ang suspek na kanilang kinuha para mag-alaga sa bagong silang na sanggol dakong alas-dos ng hapon kamakalawa sa Brgy. Santo Domingo sa bayan ng Virac.

Dahil dito ay agad na humingi ng tulong ang pamilya sa Virac Municipal Police Station para matagpuan ang suspek ganundin ng sanggol.

Nagdala ang pamilya ng nawawalang sanggol ng litrato nito ganundin ng suspek para makatulong sa paghahanap ng mga pulis.

Mabilis namang inalerto sa buong pulisya ng Bicol Region ang insidente ng kidnapping.

Dakong alas-sais ng gabi nang maaresto ng mga pulis sa Tabaco City ang suspek pagdating nito sa pantalan.
Nakasakay ang suspek sa isang ferry boat mula sa Virac at dala nga nito ang dinukot na sanggol.

Sa ngayon ay hindi pa nagsasalita ang suspek kung bakit niya kinuha ang kanyang alagang sanggol at kung ano ang gagawin niya dito.

Nakatakdang ibalik sa kanyang pamilya ngayong araw ang nasagip na sanggol habang sasampahan naman ng kasong kidnapping ang suspek.

Pansamantalang ikinulong ang suspek sa detention cell ng Tabaco City Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya dahil sa ginawang pagdukot sa alagang sanggol.