Abante Tonite Interactive

Yaya nag-suicide sa harap ng 2 alaga

By
7,000

Winakasan ng 16-anyos na dalagita ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa harap ng dalawa niyang alagang bata sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay SPO1 Ronnie Ereno, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nakilala ang nagpakamatay na si Maria Elaiza Decano, residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Dakong ala-1:25 ng madaling-araw nang matagpuan ang naka­bigting katawan ni De­cano sa ‘wooden beam’ sa pinagtatrabahuhan nitong apartment sa No. 2700 IBP Road ng nasabing barangay.

Abante Hiring – IT dep

Batay sa pahayag ni Daniel Guarino, nakatira malapit sa pinag­lilingkurang bahay ng dalagita, narinig niya ang dalawang bata na alaga ni Decano na walang tigil sa pag-iyak kaya minabuti niyang puntahan ito dahil hindi umano siya makatulog.

Pero nang sumilip siya sa loob ng bahay ay laking gulat niya nang makita ang nakalutang na mga paa ni Decano. Doon na niya nalaman na nagbigti pala ito.
Agad umano niyang pinuntahan ang bahay ng pamilya ng dalagita na ‘di kalayuan lamang sa kanilang lugar at ipinaalam sa kapatid nitong si Tomy Decano ang insidente.

Mabilis namang pinuntahan ni Tomy ang bahay kung saan nagbigti ang kapatid na dalagita at doon ay mabilis niyang ibinaba ito mula sa kisame na pinagbigtihan at tinanggal ang tali na nakapulupot sa leeg nito.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente para malaman kung nagpatiwakal nga ba ang dalagita o may foul play sa pangyayari.