Abante Tonite Interactive

‘Year of Ecumenism and Interreligious Dialogue’ ng Simbahan start na!

0 251

Ilulunsad ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ngayong araw ang taon ng pagbibigay halaga sa ugnayan ng iba’t ibang pananampalataya kasabay ng pagdiriwang ng Unang Linggo ng Adbi­yento. Apat na linggo na lang, Pasko na naman! Katulad ng mga nakaraang taon, binibigyan tayo ng panahon upang maghanda sa pagdatal ng Panginoon.

Diin ni Fr. Francis J. Marino, S.M.: “Each Advent we are given the opportunity to begin anew and to enter a deeper place of interior awareness” lalo na ngayong ‘Taon ng Ekumenismo’ kaya’t hinihikayat ng Iglesya ang lahat na buksan ang puso at bigyang-daan ang pagkakaisa sa pagitan ng iba’t ibang lahi at pananampalataya.

Upang itaguyod at ipalaganap ang kapa­yapaan na dala ng sanggol sa Belen sa ‘mga taong may mabu­ting kalooban’ binibigyan-diin ng Simbahan ang kahalagahan ng personal at espiritwal na paghahanda sa pagda­ting ni HesuKristo na nagpabago ng direksiyon ng kasaysayan. Bagong simula ito para sa tanan!

Sentro ng selebrasyon ng ‘Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous People’ ang pagpapahalaga at pag-uunawaan ng lahat, dulot ng dayalogo at pagpapatawaran sa anumang pagkukulang o kalabisan sa isa’t isa sa nakalipas na panahon. Ayon sa CBCP ang tema ng nasabing taon ay ‘human fraternity’.

Kalakip ng pagdiriwang ang paanyaya ng Iglesya ngayong Adbi­yento sa sama-samang panalangin at pagninilay sa pagkakaloob ng Diyos ng mismo Niyang sarili. Dahil kay He­suKristo, giit ng Simbahan, tayong lahat ay naging mga anak ng Diyos; samakatuwid, magkakapatid at may pananagutan sa isa’t isa!
Layon ng buong taong pagdaraos saad ng Iglesya ang ‘Dialogue Towards Harmony’ sapagkat nais ni HesuKristo na ‘muling ipa­nganak’ sa puso ng lahat. Patuloy na kumakatok ang Diyos sa puso ng lahat, walang pagod ang Kanyang paanyaya sa pagpapakumbaba, pagbabalik-loob at mu­ling pagkakasundo, giit ng CBCP.

Sa huli, narito ang pithaya ng Simbahan sa inilulunsad na taon: “To work for unity and harmony while res­pecting diversity and to recognize peoples’ identities spiritualities and ancestral domain” upang maitaguyod ang respeto sa isa’t isa. Ito raw ay paghahanda rin ng bansa sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas, giit ni Fr. Sebastian D’Ambra ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME).

Samantala, hamon ng Simbahan sa lahat ngayong Adbiyento: “We start a season of interior personal preparation and active vigilance. It is an invitation for us to stay awake as we prepare our hearts for the coming of the Lord with joyful anticipation. Let us remain aware in the presence of Jesus in each other, sensitive to the ‘seeds of the Word’ in other faiths and prepared at all times for the day when all peoples will be gathered into the Kingdom of Christ the King!”