Abante Tonite Interactive

Yellow card

311

Sa panahon ngayon, mai­nit ang talakayan tungkol sa 2019 Novel Coronavirus or 2019 nCoV ARD. Sakit na nagmula sa China, at nagsilbing dahilan para isara ang maraming siyudad sa bansa katulad ng Wuhan, kung saan ito nagmula, Bei­jing at Shanghai. Dito sa Pilipinas, nagdeklara na ang gobyerno ng travel ban. Hindi na pinapayagan pumasok ang mga dayuhang galing sa China, Hong Kong, Macau at Taiwan sa bansa. Ang mga Pi­lipino naman or Philippine residents ay pinapayuhang mag-monitor ng kanilang kalusu­gan sa loob ng 14 araw. Ito ang dahilan kung bakit minabuti ng inyong lingkod na siya naman ang magtanong sa mga opisyal ng isang airport upang malaman kung anong pag-ii­ngat ang ginagawa para maiwasan ang pagpasok ng mga taong maaring may sakit na 2019 nCoV sa bansa.

Sa oras ng pagsulat ng article na ito, may tatlo nang kaso ang nakumpirma ng Department of Health (DOH) na mga taong may sa­kit na 2019 nCoV. Lahat naman ng ito ay tumutugma sa mga pamantayan na nilatag ng DOH upang matukoy ang mga taong maaring magkaroon ng 2019 nCoV. Una, bumiyahe ba ang taong ito sa China sa nakaraang 14 days, nakakaranas ba ng sintomas katulad ng lagnat, ubo o sipon, or nakasama ba nito ng malapi­tan ang isang pasyente na kumpirmadong mayroon nang sakit na ito. Kapag dala­wa sa tatlong panuntunan na ito ay tumugma sa karanasan ng isang tao, isinasailalim siya sa 14 day quarantine at testing upang matiyak kung mayroon nga siyang 2019 nCoV. Sa mga pahayag naman ng DOH at World Health Organi­zation, wala pang napatunayan na nahawa sa sakit na 2019 nCoV nang hindi nanggagaling sa China kaya’t matindi talaga ang pag­hihigpit sa mga airport natin. Sa kabila nito, marami pa rin ang nangangamba.

Kaya’t panawagan ng ating mga kasamahan sa airport, bukod sa pagsunod sa mga panuntunan ng DOH, kung tayo ay bibiyahe at pabalik na ng Pilipinas, siguruhing tama at makatotohanan ang ilalagay nating mga detalye sa pinamimigay nilang yellow card or health declaration card. Ito kasi ang ginagawang batayan ng paghanap sa mga taong maaring may nakasalamuhang may sakit na 2019 nCoV. Huwag po tayong matakot at sa halip, isipin natin na ang paglalathala ng a­ting mga contact detail sa yellow card ay isang paraan upang mailigtas tayo at ang mga kaanak natin sa sakit na ito.

Samantala, patuloy tayong mag-ingat. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay, dagdagan ang gamit ng alcohol at kung maari at iwa­san muna ang pagpunta sa mga lugar na maraming tao.

Hanggang sa susunod na Huwebes.
***
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusu­gan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.