Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Young actor markado ang masamang ugali

0 200

Marami nang nakakapansin sa pagiging mainipin at kasupladuhan ng isang young actor. Kailangan niyang bigyan ng pansin ang hindi kagandahang pagpansin ng mga nakakatrabaho niya tungkol sa kanyang ugali.

Pampublikong pigura siya, lahat ng galaw niya ay minamarkahan ng publiko, kaya kailangan niyang baguhin ang kanyang ugali.

Kuwento ng aming source, “Kasi, kung hindi niya babaguhin ang ugali niya, kung hindi niya kayang mag-adjust, umalis siya sa pag-aartista!

“Masyado siyang mainipin, ang tingin niya sa mga katrabaho niya, e, makina. Kapag ginusto niyang matapos agad sa work niya, e, minamadali niya ang lahat sa set.

“Markado na nga siya sa isang ahensiyang kumuha sa serbisyo niya para sa TVC ng isang produkto. Mainipin siya! Natural, pagkatapos ng shoot, e, iniri-review ‘yun ng production staff para tingnan kung okey na ang ginawa niya.

“Ayaw niya sa ganu’n, okey na nga raw ang ginawa niya, e, bakit kailangan pang i-review? Natatagalan kasi siya sa ganu’n, ang gusto niya, e, good take na agad ang ginawa niya!

“E, teka lang naman muna, hindi naman siya perfect! Marami rin siyang nagagawang palpak, kaya kailangan talagang dumaan sa pagre-review ang mga takes niya.

“Kamot siya nang kamot sa ulo, palagi siyang nakasimangot, walang-wala siyang pakialam sa pag-iingat na ginagawa ng production,” unang sultada ng aming impormante.

Kahit sa kanyang mga interview ay mabilis mainip at mapikon ang young actor. Parang palagi siyang nagmamadaling matapos na ang panayam at konting personal na tanong lang ay napipikon na agad siya.

“Akala mo naman isa na siyang pagkalaki-laking artistang kahit walang promo at exposure, e, kakayanin na niya! Naku, kailangan pa siyang ibenta nang husto, pati ang loveteam nila ng isang young actress, dahil kokonti pa lang ang napapatunayan nila!

“Tantanan na niya ang kasupladuhan, lalo na ang pagiging mainipin niya, dahil kapag nainis ang mga kumakausap sa kanya, e, bigla na lang siyang talikuran!

“Ano ba ang paborito n’yong color? Red, white o blue?” pagbibigay pa ng clue ng aming impormante sa kanyang pagtatapos.

Leon walang perang tinangay kay Gladys

Sa ngalan ng pagiging parehas ay ilalabas din namin ang panig ni Leon Sumagui, ang nakahiwalay na boyfriend ni Gladys Guevarra, na diumano’y nangwasak hindi lang sa kanyang puso kundi pati sa kanyang bulsa.

Kinailangan nang magsalita ni Tiger para linawin ang maraming isyu at bintang na ipinukol laban sa kanya ng komedyana. Una ay sa isyu ng pananalapi na ayon kay Gladys ay tinangay niya.

Ayon kay Leon ay wala siyang tinangay na halagang ginagamit nilang pampuhunan sa kanilang negosyo ng mga kakanin. Kasama ang kuya ni Gladys ay nagpunta sila sa bangko para kunin ang kabuuang halagang idineposito ng kanilang mga kliyente.

Kakambal din sa naging pahayag ni Leon na habang nagkakaroon sila ng argumento ni Gladys ay mayhawak itong kutsilyo. Mahirap makipaglaban sa taong mayhawak na armas ayon kay Leon.

Hindi rin daw niya winasak ang system kung saan nandu’n ang listahan ng kanilang mga kliyente, maaaring may nahugot lang na kable, pero oras na isinaksak ay gagana pa rin ang computer.

Tahasang itinanggi ng ex ni Gladys ang bintang tungkol sa pagtangay ng pera, gusto niyang linisin ang kanyang pangalan, dahil meron siyang regular na trabaho at hindi umaasa lang sa komedyana.

Maayos ang pagsasalita ni Leon, alam mong edukado siya sa paraan ng kanyang pagpapaliwanag, nagkahiwalay man sila ay ramdam pa rin ang pagrespeto ni Leon kay Gladys.

Bilang panghuli, na nagmarka sa mga nakapanood sa kanyang mga pahayag, ay sinabi ni Leon na mahirap mahalin ang isang tulad ni Gladys Guevarra.

Leave A Reply

Your email address will not be published.