Abante Tonite Interactive

Young actor pasimuno ng kalokohan

1,218

tonite-no-thanks-cristy-fermin
May kuwento ang mga dating katropa ng isang young male personality tungkol sa kanyang mga kalokohan. Bully na pala siya kahit nu’ng nasa high school pa lang sila.

Nangunguna siya sa pagka-cutting classes, isinasama niya ang buong tropa, siya rin ang nagdidikit ng bubble gum sa upuan ng kanyang mga kaklaseng babae.

“Napakakulit nu’n ni ____(pangalan ng young actor)! Siya ang nagpapasimuno sa mga kalokohan sa school namin. Yayayain niya kaming mag-cutting classes, nanonood kami ng sine, namamasyal kami sa mall.

“Minsan naman, pinipitik­ niya ng gomang may binilot na papel ang mga kaklase namin, pero kapag tiningnan mo siya, parang wala siyang alam! Ganu’n siya kasimpleng gumawa ng kalokohan!

“Marami siyang alam na pam-bully sa mga kaklase namin. Itinatago niya ang mga kagamitan ng mga girls, inilalagay niya sa basurahan. Kung anu-ano, grabe siya nu’ng high school pa kami,” kuwento ng aming source.

Pero nu’ng magkahiwa-hiwalay sila ay nagulat ang kanyang tropa, artista na ang makulit nilang ka­klase, pero ang maganda ay hindi siya nakalilimot sa kanyang mga kaibigan.

Kuwento uli ng aming impormante, “Kahit kilala na siya ngayon, e, may time pa rin siya para sa amin, hindi siya nakalilimot, tumatawag siya kapag may free time siya para magkita-kita kami.

“Basketball ang common denominator namin, naglalaro kaming lahat, kaya ‘yun muna ang bon­ding namin. Tapos, kakain kami, siya ang taya sa lahat, wala siyang pinagagastos sa amin. Nice siya, hindi siya mayabang, pormang ganu’n lang siya pero mabait siya.

“We’re happy for him, pinanonood namin siya, kasi nga, proud kaming­ sabihin na mga bagets na bagets pa lang kami, e, kasama na namin siya. Pero kahit minsan, wala kaming maalalang gusto niyang mag-artista.

“Nagulat nga kami, ma­galing na siyang umarte ngayon, samantalang dati, e, ayaw na ayaw niyang sumasali sa mga school activities namin. Magaling siyang sumayaw, pero sa pag-arte, ayaw na ayaw niya ‘yun dati!” tawa pa nang tawang kuwento ng aming source.

Bong makakalaya sa Oktubre

Umaasa ang pamilya­ at mga tagasuporta ni dating Senador Bong Revilla na magdiriwang na siya ng Pasko sa isang buhay na malaya. Malakas ang ikot ng balita na bandang Oktubre ay makakasama na ng aktor-pulitiko ang kanyang mga mahal sa buhay na wala nang nakapagitang rehas sa kanila.

Maayos ang takbo ng pagdinig ng kasong plunder na bintang sa dating senador, nagbigay na ng pahayag ang mga saksi na kailanman ay hindi nakita ng mga ito na pumirma ng kahit anong dokumento ang nakapiit na senador, si Benhur Luy lang ang nagdiin sa kanya.

Napakahirap ng kanyang pinagdaanan sa PNP Custodial Center, ulanin at arawin siya du’n, wala na sa piitan ang kanyang kumpareng si dating Senador Jinggoy Estrada kaya mag-isa na lang siyang namumuhay sa kulungan.

Sa kabila ng pagiging abala sa kanyang sinum­paang tungkulin bilang mayor ng Bacoor ay hindi pumapalya ang pagdalaw ni Mayor Lani Mercado sa kanyang kabiyak.

Kahit ang kanilang mga anak ay ganu’n din, madalas nilang puntahan si dating Senador Bong, ang araw naman ng Linggo ay inilaan na ng kanyang pamilya, mga kapatid at kaibigan na para sa kanya lang.