Abante Tonite Interactive

Young actor sumesenyas sa dyowa ‘pag iritado sa mga fan

574

Maraming naka-kapansin na may sariling lengguwahe pala ang magkarelasyong young actor at young actress. Sa tagal na ng kanilang pagsasama ay nagkakaintindihan na sila sa pagsesenyasan lang.

Hindi na nila kailangang magsalita, kahit sa senyas ng isang daliri lang ay nakukuha na nila ang ibig nilang sabihin, nagkakaintindihan na sila sa paganu’n-ganu’n lang.

“May sarili silang sign language. Hindi ‘yun tulad ng ginagawa ng mga hearing impaired, iba ang sa kanila, silang dalawa lang ang nagkakaintindihan sa mga ginagawa nila.

“Kunwari, habang nagtitinginan sila, e, hahaplusin ng guy ang dulo ng nose niya, pansinin n’yo, ganu’n din ang gagawin ng girl. I love you raw kasi ang ibig sabihin nu’n, kaya gaganti naman ang sinabihan ng I love you, too.

“Kapag nasa public places naman sila, e, meron din silang sign language. Kunwari, naiirita na ang guy sa mga fan sa paligid niya, meron lang siyang ise-senyas through his lips, alam na ng girl ang gagawin niya!

“Lalapitan na niya ang boyfriend niya, yayayain na niya somewhere, dahil naiinis na nga ‘yung guy sa makukulit na tao sa paligid niya!

“Nakakaaliw sila, may sarili silang language, kahit nasa magkabilang dulo sila ng studio, e, nakakapagsabihan sila ng I love you nang hindi na nila kailangan pang magsalita,” aliw na aliw na kuwento ng aming source.

Malalim na nga ang kanilang relasyon, hindi na sila puwedeng paghiwalayin, sakay na sakay na nila ang ugali ng bawat isa. Alam na rin nila kung anu-ano ang kanilang gusto at ayaw.

Isa pang kuwento ng aming impormante, “Kapag nagdi-dinner sila, ang girl ang umoorder ng food nilang dalawa.

Hindi tinatamad ang guy, talagang alam na alam na lang ng girl kung ano ang gusto niyang kainin.

“Ganu’n na nila kakabisado ang isa’t isa, sa senyasan pa lang, e, nagkakaintindihan na sila, may language of love sila na kanilang-kanila lang.

“Inglisero man ang guy, nagkakaintindihan sila ng girlfriend niya. Nakakainggit sila, ha? Sa totoo lang!” pagtatapos ng aming source.
***

Vickie sira ang diskarte

Ang dami-daming nanghihinayang kay Vickie Rushton. Sa simula pa lang ng laban ay sangkaterbang special awards na ang tinanggap niya, pero sa dulo ng labanan ay wala siyang nakopong korona, sumablay siya sa question and answer portion ng patimpalak.

Ang dami-daming sinisisi ng kampo ni Vickie Rushton, ang matagal nang girlfriend ni Jason Abalos, naligaw raw sa pagsagot ang magandang kalahok dahil may nakita siyang nang-distract sa kanya sa audience na tagasuporta ng kanyang kalaban.

Sinang-ayunan ‘yun ni Jason, madali raw talagang ma-distract ang kanyang girlfriend, mapagpansin daw kasi si Vickie sa galaw ng kahit sino. Pinapansin daw niya ang katabi nilang malakas humigop ng sabaw, ngumuya nang akala mo’y gutom na gutom, talagang ganu’n daw kamapansinin si Vickie Rushton.

Anuman ang naging dahilan ng hindi niya maayos na pagsagot ay hindi na mahalaga, tapos na ang laban, umuwi nang luhaan si Vickie.

Pero hindi pa katapusan ng mundo para sa magandang kinatawan ng Negros Occidental, sa kagandahan niyang ‘yun ay marami pang naghihintay na magandang pagkakataon para sa kanya, ganyang-ganyan din ang nangyari nu’n kay Pia Wurtzbach na nakakopo pa nga ng Ms. Universe title.

Sabi ni prop, “Alam mo, sa mga ganyang labanan, e, hindi masyadong importante ang eye-to-eye contact. Mas malayo ang tingin ng contestant, mas maganda pa nga!

“Tulad ng nangyari kay Vickie, natural na pala siyang madaling ma-distract, hindi niya kailangang makipagtitigan kahit kanino kapag nagsasalita na siya, talagang masisira ang diskarte niya!”

Sa public speaking ay may tip na itinuturo ang mga bihasa na. Huwag kang titingin sa mata, ang kailangan mong tutukan ay ang ulo, dahil ang akala ng kasunod ay siya ang tinitingnan mo.
At epektibo nga ang ganu’n.