Abante Tonite Interactive

Young actor tinamaan sa aktres

1,045

MUKHANG hindi na basta promo lang ang mga lumulutang na pagiging close ngayon ng dalawang bagets stars. Ayon sa aming source ay mukhang tinamaan na ang isang young actor sa ipinapareha sa kanyang young actress.

Nami-miss na nila ang isa’t isa ngayon, matagal silang magkuwentuhan sa telepono, hindi nga naman tatagal nang ilang oras sa pag-uusap nang malayuan ang dalawang taong walang atraksiyon sa isa’t isa.

Kuwento ng aming source, “Maraming reasons kung bakit madali silang maa-attract sa bawat isa. Pareho silang may pinagdaanan. Nakatikim silang pareho ng sakit sa pakikipagrelasyon.

“Puwedeng paghingahan ng mga problema niyang personal ang girl sa young male personality. Malawak ang guy, nabibigyan siya ng magagandang payo, kaya saan pa nga ba hahantong ang ganu’n?” positibong analisasyon ng aming source.

Bagay na bagay naman sila, maganda ang young actress, hindi man kaguwapuhan ‘yung guy ay magaling naman siyang umarte.

“Magbilang kayo ng mga buwan mula ngayon, siguradong magiging sila na nga. Basta, nand’yan na ang mga reasons para maging sila na nga!” promise pa ng aming impormante.

Male singer napagkamalang holdaper

KAILANGAN na sigurong gumayak nang maayos ang isang male singer na produkto ng isang talent search. Dalawang beses na siyang napagkakamalang holdaper sa pampublikong lugar.

Kuwento ng aming source, “Nakatira kasi siya sa isang condo unit, bumababa siya na parang wala lang, casual na casual siya, nakatsinelas na goma lang siya, shorts at saka lumang t-shirt. May bibilhin lang kasi siya sa ibaba ng inuupahan niyang condo unit.

“‘Yung nakakita sa kanya, biglang niyakap nang mahigpit ang bag niya. Natakot kasi ‘yung lalaki, baka nga naman bigla na lang agawin ang bag niya!

“Pinagkamalan din siyang holdaper ng isang producer na nirerespeto ng buong industriya, inabangan nu’ng producer ang car niya sa harapan ng condo.

“Biglang nakita niya ang isang lalaking nakayuko, hindi maayos ang gayak, agad ding niyakap ng producer ang bag niya! Natakot siya sa male singer!

“Naku, umayos siya, ha? Nagmarka na rin naman siya sa isang talent search, siya pa ang nanalo, kaya nakakahiya ang ganyan na napaghihinalaan siyang holdaper at mandurukot!

“Hindi siya ganu’n, sabungero lang siya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Binoe isyuhan ng gag order sa kadadakdak

PINAGBABAWALAN na ngayon ang ABS-CBN, ang kanilang mga tagapamuno at kahit mga artista, na magsalita-magkomento tungkol sa isyu ng franchise renewal na pinagtatalunan ngayon sa Mababang Kapulungan.

Ayon sa urgent motion para sa gag order na isinumite ni SolGen Calida sa Supreme Court ay humihingi raw ng simpatya ang network sa mga ipinalalabas nilang komento.

Maaari raw makaapekto ‘yun sa resulta ng pinagtatalunang franchise renewal na naka-file na sa Supreme Court sa pamamagitan ng quo warranto.

May mga personalidad na kontratado ng ABS-CBN na naglalantad ng kanilang mga saloobin, natural lang na idepensa nila ang istasyong nagbibigay sa kanila ng kabuhayan, ipagbabawal na raw ‘yun.

Maging ang mga kababayan natin mula sa iba-ibang bansa, lalo na ang mga OFW, na nagpapahatid ng kalungkutan tungkol sa bantang pagpapasara sa ABS-CBN ay ipagbabawal na rin. Paawa effect daw ‘yun.

Naghahanap daw ng mga kakampi at makikisimpatya sa kanila ang network, hindi raw parehas ang magiging laban kapag ganu’n, kaya kailangang ihinto na ayon sa gag order.

Para sa mas nakararami ay isang paraan ‘yun ng panghihimasok sa kalayaan sa pamamahayag na pinaiiral sa ating bayan. Binubusalan ang bibig ng mga taong nakikipaglaban sa ABS-CBN.

Tanong ng isang nakakuwentuhan namin, “Si Robin Padilla kaya, hindi iisyuhan ng gag order sa kadadakdak? Mas hindi magiging parehas ang laban kung pababayaan si Robin na magsalita nang magsalita laban sa istasyon, paano siya kokontrahin ng mga taga-Dos sa mga pinagsasasabi niya?”

May katwiran ang katwiran.