Abante Tonite Interactive

Young actress buking ang pagnanakaw sa serial number ng pera

0 763

HINDI na gaanong aktibo ngayon sa pag-arte ang isang young female personality na napatunayang clepto ng mga kasamahan niyang artista.

May mga pruweba silang hawak para sabihing malikot ang kamay ng batang aktres, lalo na ang mga dancers na nakasama niya sa taping, huling-huli ng mga ito na siya ang gumetlak ng kanilang pera sa wallet.

Kuwento ng aming source, “Sa dalampasigan ang taping nila, anniversary ng show nila ‘yun, so iniwanan nila ang lahat ng mga kagamitan nila sa hotel room.

“Silang lahat na magkaka-share sa room, e, may kani-kanyang susi, so dahil kasama nila sa room ang cleptong youngstar, inilista nila ang serial number ng mga datung nila!

“At tama, pagbalik nila sa hotel room, nawawala ang mga pera nila, so nagsumbong sila sa kanilang executive producer. Hindi na sila nagtanong kung sino ang kumuha, alam na nila ‘yun!

“Kinausap ng mga dancers ang EP nila na diretsahin na ang youngstar, titingnan nila ang serial number ng mga pera niya sa wallet. Presto! ‘Yun nga mismo ang mga nawawala nilang pera!” pagdedetalye ng aming impormante.

Sayang, ang ganda pa naman ng young female personality, pero masyadong malikot ang kanyang mga kamay. Ayon sa mga dalubhasa ay kawalan ng pagmamahal mula sa kanilang pamilya ang karaniwang nagiging dahilan ng pagiging clepto ng mga anak.

Female personality bugaw sa kulungan

KALAT na kalat ang kuwento sa isang kulungan na ang dating nagdadala ng mga kababaihan du’n para sa mga opisyales ay isang dating sumikat na female personality.

Karamihan sa mga babae ay artista, pero meron ding mga sexy dancers na kinukuha sa mga female joints, ang dating sikat na female personality ang kanilang kasador.

Kuwento ng isang source, “Alam na alam du’n na siya ang nag-iimporta ng mga girls sa kulungan. Siya ang tagarasyon, siya ang Boogie Wonderland.

“Ang nakakatawa, kapag kulang kuno ang dala-dala niyang girls, e, siya na ang pumapalit, umaarubayto (read: sideline) ang lola n’yo! Siya ang nagpupuno sa kakulangan!” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Nakakaloka!

Coco magliliyab ang inis

BABALIK na raw uli sa aksiyon si Julia Montes pagkatapos nang matagal niyang pamamahinga. Natural, sa kanyang pagiging aktibo ay maraming mang-uusisa sa aktres tungkol sa kuwentong nanganak siya, alangan namang basta na lang siya babalik nang wala siyang ibibigay na rason ng kanyang pagkawala.

Muling mabubuhay ang inis ni Coco Martin sa mga press people, ito ang klase ng aktor na nabubuhay sa pampublikong mga mata, pero ayaw na ayaw na natatanong ang kanyang karelasyon tungkol sa balitang pagkakaroon nila ng anak.

Napakadali lang namang sagutin ng tanong kung totoo ba ‘yun o hindi, wala namang hihinging mga detalye ang manunulat tungkol sa kanilang anak, oo o hindi lang ang gusto nilang marinig.

May punto si Coco, gusto nila ni Julia ng pribadong buhay, ni hindi pa nga naman sila umaamin tungkol sa kanilang relasyon pero anak na agad ang uusisain sa kanila?

Pero hindi sila naiiba sa mga artistang dumadaan din sa ganu’ng estado, imposibleng hindi sila tanungin, ayaw nilang umamin pero kapag nag-opinyon naman ang mga kolumnista ay sumasama ang kanilang loob.

Publiko ang dahilan ng kanilang tagumpay, nabubuhay sila bilang mga public figures, kaya kailangang ibigay nila sa publiko ang katotohanan.