Abante Tonite Interactive

Young actress kalat ang katigasan ng ulo

1,263

MATIGAS ng ulo ng isang young female personality. Wala raw siyang pakialam sa ibinibigay na payo ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.

Kulang din daw siya sa pagpapahalaga sa mga taong nakatulong sa kung ano ang kalagayan niya ngayon. Mabilis daw siyang makalimot.

Ang young female personality ang naging paksa sa isang malaking umpukan isang gabi. Maraming nanghihinayang kung totoo nga ang mga umiikot na kuwento tungkol sa kanya dahil malayo pa sana ang kanyang mararating.

Sabi ng isang source sa umpukan, “Ang ganda kasi niya. Iba ang beauty niya, e, inosente ang dating niya. ‘Yung parang siya na nga ang may kasalanan, pero ikaw pa ang magso-sorry sa kanya, ganu’n!

“Pero ang dami-dami na kasing nakakaalam ng attitude niya. Matigas ang ulo niya, saka parang pinasok agad ng hangin ang ulo niya!

“May attitude na ang girl! Marami na siyang katrabahong nagtitimpi lang sa kanya!” unang sultada ng aming source.

Nagbabala naman ang isang impormante sa umpukan, may mga senaryong binanggit ang miron tungkol sa mga personalidad na nagmalabis kaya nawalan ng trabaho ang mga ito, sa totoo lang.

Ang komento ng source, “Huwag siyang magpapakakampante sa mga tinatanggap niyang work ngayon, kapag nagkapatung-patong na ang sumbong ng mga katrabaho niya sa mga executives ng network, e, tingnan natin!

“Ganu’ng-ganu’n ang nangyari sa isang sikat na female personality, di ba? Nu’ng sumosobra na ang attitude, e, naging reason ‘yun kaya tsinugi siya sa network!

“Gusto ba niyang mangyari sa kanya ‘yun? Kailangang marunong siyang makisama, huwag siyang simangot nang simangot with the palpak reason na puyat na puyat at pagod na pagod daw siya dahil umaga na siyang pinakawalan sa taping niya!

“Naku, sayang siya, maganda pa naman siya, kasingganda niya ang isang manika na kapangalan niya!” pagtatapos ng aming source.

Yown!

Kasal ni Sarah titikisin ng magulang

UMIIKOT ngayon ang kuwento na hindi dadalo ang mga magulang ni Sarah Geronimo sa plano nilang pagpapakasal sa Italy ni Matteo Guidicelli.

Basbas ng mga magulang ang kumukumpleto sa kaligayahan ng bawat anak sa pagharap sa altar. Mabigat na mabigat sa kalooban ng anak ang pagpapakasal sa lalaking mahal niya kapag wala sa selebrasyon ang kanyang mga magulang.

Gusto naming isipin na kuwento-kuwento lang ang lahat. Mas gusto naming paniwalaan na hindi titikisin ng kanyang mga magulang ang singer-actress sa isa sa pinakaespesyal na pangyayari sa kanyang buhay.

Una, nasa wastong edad na si Sarah para mag-asawa, ginawa niyang prayoridad ang kanyang career na gumawa ng milagro sa kabuhayan ng mahal niyang pamilya.

Ikalawa, tapat ang pagmamahal ni Matteo sa dalaga, hindi maaaring pagbintangan ang aktor na gagamitin lang si Sarah para sa karera nito.

Ikatlo, sa laki ng suporta at tulong na nagawa ni Sarah Geronimo para sa kanilang pamilya ay magkakaroon pa kaya ng dahilan ang kanyang mga magulang para ipagkait ang kanyang personal na kaligayahan?

Naging mabuting anak si Sarah, ipinanghuli nga niya sa listahan ng kanyang mga prayoridad ang kanyang sarili, inuna muna niyang tuparin ang mga pangarap niya para sa kanyang mga magulang at mga kapatid.

Ni hindi na nga halos napakinabangan ni Sarah ang panahon ng kanyang kabataan. Napakaaga niyang isiningkaw na parang kalabaw sa entablado para kumanta nang kumanta.

Halos wala na siyang oras para sa kanyang sarili. Puro show, puro concert, puro TVC shoot, puro pagharap sa mga camera ang inuuna niya dahil kompromiso ‘yun na kailangan niyang tuparin bilang singer at artista.

Siya pa ang klase ng anak na titikisin ng mga magulang sa pagpasok niya sa mundong pinapangarap ng bawat babae?

Ayaw naming paniwalaan ang mga kuwentong lumalabas ngayon, mas naniniwala kaming ihahatid sa altar ng kanyang tatay si Sarah Geronimo para buong-pusong ipagkatiwala kay Matteo Guidicelli ang kanyang anak, habang tahimik namang lumuluha sa isang tabi si Mommy Divine.