Abante Tonite Interactive

Young actress may ginawang milagro sa boyfriend

856

Liar kung tawagin ngayon ng kanyang mga katrabaho ang isang magandang young actress na kung titingnan mo lang ay parang ni hindi makapapatay ng lamok pero saksakan pala ng kalokahan.

Kaya niyang paniwa- lain ang kanyang sarili mismo sa kanyang mga kasinungalingan. At kung kaya niyang lokohin ang kanyang sarili ay sino pa ang hindi niya makaka­yang paikutin?

Kuwento ng aming soure, “Parang napaka-naive niyang tingnan, di ba? Parang wala siyang ginagawang milagro, parang hindi niya kayang lokohin ang mga tao, parang sakdal-tino niya!

“Pero ka­baligtaran siya nu’n. Napa­kaselosa niya, kung awayin niya ang boyfriend niya nu’n kapag ina-apuntahan siya ng selos, e, parang wala nang bukas!

“Napakataray niya, nakakaawa ang boyfriend niya kung pagsalitaan niya! Hindi niya kinakausap, binara-bara pa nga niya kahit maraming taong nakapaligid sa kanila, grabe ang inabot sa kanya ng guy!” umpisang reaksiyon ng aming source.

Heto na. Natuklasan ng boyfriend niya na kaya pala siya ganu’n ay siya mismo ang may ginagawang milagro. At hindi man lang siya lumipat ng bakuran, sa mismong network nila nagkalat ang girl, napakasakit nu’n para sa young actor.

Patuloy ng aming impormante, “Nagdedenay pa siya ngayon, hindi raw niya nakarelasyon ang young actor, samantalang alam naman ng lahat ng mga kasamahan nilang artista sa network na naging sila.

“Namangka pa nga siya sa dalawang ilog nu’ng sila pa, tapos ngayon, e, basta na lang niya idedenay ‘yung guy na napakasaklap ng inabot sa pakikipagrelasyon sa kanya?

“Lukring din ang babaeng ‘yun! Pinaniniwalaan niya ang sarili niya sa mga kalokahan niya! Pati ibang tao, e, gusto rin niyang maniwala sa mga pinagsasasabi niyang lies!” nawiwindang na pagtatapos ng aming source.
***

Edu aapela sa Comelec

Tinanggalan ng kalayaan at karapatang lumahok ngayong eleksiyon si Edu Manzano. Kumakandidato siyang kongresista sa partido ni Vice-Mayor Janella Estrada na tumatakbo namang mayor ng San Juan.

Hindi raw napatunayan ni Edu Manzano na Filipino citizen siya, itinapon na raw niya ang pagiging Pilipino nang magsilbi siya sa US Armed Forces mula nu’ng 1973 hanggang 1977, kaya hindi siya maaaring lumahok sa eleksiyon sa Pilipinas.

‘Yun ang naging desisyon ng Comelec na ikinagimbal ng mga tagasuporta ng aktor. Panay-panay na kasi ang pag-iikot ni Edu sa buong siyudad ng San Juan pero ito naman pala ang ilalabas na desisyon ng ahensiya ng pamahalaan.

Isang araw bago nagsimula ang pormal na kampanya ng mga local na candidates ay pinatay pa siya sa Ang Probinsyano pero ganito lang pala ang kahihinatnan ng kanyang kapalaran sa mundo ng pulitika.

Nakapagtataka lang dahil kumandidato at nanalo siyang vice-mayor ng Makati nu’ng 1998, kumandidato rin siyang mayor ng lunsod nu’ng 2001, siya rin ang ka-tandem bilang vice-president ni G. Gibo Teodoro nu’ng 2010 at tumakbo rin siya nu’ng 2016 bilang senador, wala namang kumuwestiyon sa kanyang kandidatura.

Sa pagkakaalam din ng mas nakararami ay dual citizenship ang hawak ni Edu Manzano, ang dahilan kung bakit walang naging kuwestiyon ang pagkandidato niya bilang vice-mayor ng Makati, kaya saan nanggagaling ngayon ang ganitong kaso laban sa kumakandidatong congressman ng San Juan?

Siguradong sasagutin ng kampo ng aktor-pulitiko ang pinalabas na desisyon ng Comelec at sana’y makahabol pa ang apela ni Edu Manzano bago ang eleksiyon sa Mayo 13.
***

Korina-Mar ikinumpara sa ‘taong galit na may anak’

Reaksiyon ng isang kasamahan namin sa panulat, “Sumasaludo ako kina Mar Roxas at Korina Sanchez. Ipinakilala na nila sina Pepe at Pilar sa mga press people. Hindi pa galing sa sinapupunan ni Ate Koring ang kambal, ha?

“Samantalang ‘yung iba d’yan, totoo namang may anak na, pero galit na galit pa nu’ng lumabas ang kuwentong nanganak na ang girlfriend niya!
“Buhkit?” malditang reaksiyon ng reporter sabay tingin sa kisame.
Ha! Ha! Ha! Ha!