Abante Tonite Interactive

Young actress nag-alcohol pagkatapos makipagkamay

By
1,114

Tawa kami nang tawa sa nangyari sa isang young actress nang magkaroon sila ng mall show. Pagkatapos ng show ay tumakbo na agad ang young personality sa kanyang van, nagmamadali, kaya sinabihan ang kanyang driver na paandarin na agad ang kanyang sasakyan.

Hindi puwede, sabi ng kanyang piloto, dahil maraming tao sa harapan nila. Mga fans ‘yun na nag-aabang sa kanya para kumamay at makipag-selfie pero nagmamadali na nga siyang makaalis.

Kuwento ng aming source, “Hindi masyadong tinted ang van niya, kitang-kita pa rin siya sa labas, kaya nakita siyang halos naliligo na sa alcohol.

“Kumamay kasi siya nang kumamay onstage, habang kumakanta siya. E, kutis-porselana pa naman siya, di ba? Ang puti-puti niya at flawless ang girl, kaya masyado siyang vain.

“Kailangang makapag-alcohol agad siya dahil baka nga naman kapitan siya ng mga germs. So, sige siya sa kapapahid ng alcohol, nakikita siya sa labas ng mga fans, hindi ‘yun nagustuhan ng mga nakakita sa kanya.

“Bakit daw ganu’n? Kaya pala siya nagmamadali, e, hindi naman dahil may mga mall tours pa sila, kundi para makapag-alcohol na siya?
“Natural lang namang ginagawa ng mga aritsta ang ganu’n, para sa tamang hygiene naman ang paggamit ng alcohol, hindi lang maganda ang tiyempo dahil nakita siya ng mga faney na ganu’n ang ginagawa,” kuwento ng aming impormante.

Isang source naman ang nagkuwento na talagang maalaga sa kanyang balat ang young actress. ‘Yun ang dahilan kung bakit napakakinis ng kanyang kutis, nunal lang ang dumi niya sa katawan, dahil sa sobra niyang pag-aalaga.

“Pero sana, e, hindi niya ‘yun ipinakikita sa mga fans, kailangang tago niyang gagawin ang ganu’n, para hindi siya nagiging issue.
“Naku, Inday, huwag na sanang maulit pa ang ganu’n, ha?” payo pa ng aming source sa makinis na young actress.

***
Sharon markado kay Kris

Napakasarap ng ganting-komento ni Kris Aquino sa mga papuring ibinigay sa kanya ni Sharon Cuneta. Bukod sa sinabi ng Megastar na malaking pride ng ating bayan ang pagkasama niya sa Crazy Rich Asians ay pinayuhan pa ni Sharon ang mga bashers na tantanan na si Kris at huwag magpairal ng crab mentality.

Nu’ng bagito pa lang sa showbiz si Kris Aquino ay nagkaroon kami ng pagkakataong mainterbyu siya nang solohan. Ikinuwento niya sa amin na habang nasa Boston ang kanilang pamilya ay magkasama nilang pinanonood ng pinaslang niyang ama ang mga pelikula ni Sharon Cuneta.

Sa Boston niya pinanood ang Dear Heart at My Only Love. At hindi lang minsan niyang pinanood ‘yun, mara­ming beses, kaya markado sa kanya si Sharon Cuneta kahit nanirahan sila sa ibang bansa.

Nang i-post ni Sharon ang papuri sa kanya ay hindi malaman ni Kris kung saan ilalagay ang kanyang kaligayahan. Ang sikat na artista nga namang pinanonood niya nu’n sa ibang bansa ang nagbigay sa kanya ng napakasarap na komento.

Marami silang nagkaparehong katangian. Pareho silang matapang at bukas ang bibig kapag tama ang kanilang ipinaglalaban. Magkapareho rin sina Kris at Sharon sa pagpapahalaga sa kanilang pamilya lalo na sa kanilang mga anak.

Pareho rin silang ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig pero sa halip na magtamad-tamaran dahil hindi na sila magugutom ay sinikap pa rin nilang magtrabaho para matupad ang kanilang mga pangarap.