Abante Tonite Interactive

Young actress nagmaldita sa bookstore

670

MARAMING biniling libro sa isang bookstore ang isang young actress na kontrobersiyal ang love life. Natural, nakuha niya ang atensiyon ng mga nandu’n.

Habang nagbabayad ang young actress ay tinanong niya ang cashier, “Do you have alcohol? The books are dirty kasi, e.”

Pagkatapos niyang maglinis ng kamay ay may lumapit sa young actress, humihiling ng picture na magkasama sila, ang sagot ng young actress, “I’m not done paying pa, e.”

Walang choice ang lumapit kundi ang mag-selfie na lang, ayaw kasing makipag-pose ng young actress, pero hindi nagtagumpay ang kukuha sana ng picture.

Sabi ng aming source, “Tumalikod kasi ang girl, saka umirap! Kitang-kita ko ‘yun! Maldita pala talaga ang babaitang ‘yun! Suplada!”

Tawa kami nang tawa sa kuwento. Buti na lang at hindi bastos ang nakikipag-selfie, dahil kung nakatagpo ang young actress ng ganu’n ay siguradong sinabi sa kanya, “Thank you sa kamalditahan mo, Anaconda!”

Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!

Female personality inggitera

TOTOO pala ang istoryang may pagkainggitera ang isang pamosong female personality. Ayaw niyang may nauuna sa kanya sa pagbili ng anumang nauuso.

Eksena ito sa isang dressing room. Inilabas ni Actress A ang isang bagong brand ng make-up. Lumaki ang mga mata ni Actress B. Bakit meron na nu’n ang katabi niyang aktres pero wala pa siya?

Agad niyang tinawagan ang palagi niyang pinagbibilhan ng mga make-up products, ang kanyang sabi, “You talaga! Hindi n’yo ako tinawagan! May bago na palang labas ang chuchu, naunahan tuloy ako! My PA will go there now na!

“Lahat ng shades, ibigay mo sa kanya, ha? And next time, you call me agad kapag may bagong labas ang favorite make-up brand ko!” malakas ang boses na sabi ni Actress B.

Paglabas sa dressing room, wala pang ilang hakbang ang inilalayo niya ay nagkomento na agad ang make-up artist ni Actress A, “Inggitera!”

Napaka!

Maricel, Angel, Arjo masarap yakapin kahit putikan

ISANG gabi ‘yun na maligaya man ang puso mo ay siguradong iiyak ka. Mapang-imbita ng pagluha ang markadong pagganap nina Angel Locsin, Maricel Soriano at Arjo Atayde sa “The General’s Daughter”.

Mahirap kalimutan ang masakit at mabigat sa dibdib na tagpong ‘yun nang barilin ni Tiago (Tirso Cruz III) ang mag-ina. Pinaluha nila ang manonood, superlatibo ang kanilang pag-arte, na sasabayan pa ng scoring ng piyesa ni Regine Velasquez na nakatutunaw ng puso.

Wala kang itulak-kabigin kina Maricel, Angel at Arjo. Parang ayaw mong pumikit sa panonood dahil baka may mapalusot kang eksena. Napakahirap pa namang tumutok kapag hilam sa luha ang mga mata mo.

Hayup ang eksenang ‘yun. Maricel Soriano is Maricel Soriano! ‘Yung humahagulgol niyang pagyakap sa naghihingalong si Elai, ang pagsasabi ni Arjo ng “Nanang, tutulog muna ako,” ‘yung walang pakialam na pagnguyngoy ni Angel habang halinhinang niyayakap ang mga bangkay ng mag-inang mahal na mahal niya.

Kahit putikan ang kanilang mga katawan ay napakasarap yakapin nina Maricel, Arjo at Angel, ang sarap-sarap silang sabihan ng mabuhay at maraming salamat, dahil hindi nila sinasayang ang ipinambabayad natin sa kuryente sa pagtutok sa kanilang serye.

‘Yun ang naging kuwentuhan naming magkakaibigan habang sumisinghot, kapala-palakpak naman kasi talaga ang pagganap ng tatlong bida ng serye, habang pinagmumumura naman nu’ng mga oras na ‘yun sa social media ang karakter ni Pip bilang si Tiago.

Napamahal na sa ating mga kababayan sina Nanang Sabel, Elai at Rhian. Parang namatayan din ng kapamilya at kamag-anak ang manonood nang patayin ni Tiago ang mag-ina.

At paulit-ulit naming sasabihin na napakaganda ni Angel Locsin sa lahat ng anggulo. Seryoso man siya, humahagulgol, nagagalit o ngumingiti ay napakaganda talaga ng aktres na ito.

Mabuhay ang lahat ng mga nasa harap at likod ng mga camera ng “The General’s Daughter”!