Abante Tonite Interactive

Young actress napag-iwanan sa pukpukan na labanan

By
0 228

tonite-no-thanks-cristy-fermin

NAPAG-iwanan na ni Young Actress A ang kanyang kasabayang si Young Actress B. Pukpukan ang labanan nila nu’n, magaganda ang kanilang mga proyekto, hanggang sa mas tutukan na nga ng kanilang ­network si Young Actress A.

Naalala pa ng aming source, “Nu’ng mga bagets pa sila, e, palaging nakakaawa si ____(pangalan ni Young Actress A).

Kasi, kapag dumarating na ang representative ng ka-ex-deal nilang clothing company, hinihila muna siya ng mommy ni Young Actress B.

“Isa-isang tinitingnan ni mommy ang mga damit, pinipili niya ang pinakamagaganda para sa anak niya, kaya kapag namili ang iba pang teenstars, mga tira-tira na lang dahil nakuha na ng mommy ni Young Actress B ang para sa kanya!” madiing kuwento ng aming source.

Pero iba talaga ang may bitbit na husay sa pag-arte, nagkasunud-sunod ang projects ni Young Actress A, nagkakaroon din naman si Young Actress B pero hindi masyadong nagtatagal at napapansin ng manonood.

“Ngayon, hindi na sila magkalaban. Napakalayo na ng agwat nila, halos nasa finish line na si Young Actress A, pero nabantilawan si Young Actress B.

“Maligalig kasi ang personal life ni girl, maraming isyung ibinabato sa kanya, nagmarka ‘yun sa publiko. E, si Young Actress A, magaling na siyang umarte, maligaya pa siya ngayon sa boyfriend niyang male personality,” pagkukumpara pa ng aming source sa dalawang kabataang artista.

Sa bandang huli ng lahat ay talento pa rin ang namamayani sa labanan. Magaling umarte si Young Actress A at madali pang katrabaho dahil wala siyang kaartehan sa katawan.

TV5 hindi natinag sa sulat ng abogado ni Tetay

WALA namang masama sa pagpapaalala. Sa pamamagitan nu’n ay maiiwasan ang mas ikalalawak pa ng isyu. Mula sa mga abogado ni Kris Aquino ay nakatanggap ng paalala ang mga tagapamuno ng TV5 sa paglalabas ng mga pahayag ni Nicko Falcis na dating business partner ng kanilang kliyente.

Hindi natinag ng sulat ang mga bossing ng istasyon, res­ponsable ang namumuno ng departamento ng News 5 na si Ms. Luchi Cruz Valdes, alam niya ang kanilang ginagawa. Kakambal ng TV5 ang pagiging parehas tungkol sa anumang isyung pinag-uusapan.

Siguradong nirerespeto naman ng mga abogado ni Kris ang kapasidad ng TV5, kaya lang ay may programa sa Radyo 5 ang kapatid ni Nicko, si Attorney Jess Falcis na katambal ni Attorney Bruce Rivera sa Boljak.

Hindi maiaalis na maapektuhan ito sa pinagdadaanan ng kanyang kuya, kaya naririnig namin paminsan-minsan ang kanyang mga komento patungkol kay Kris, paha­ging ‘yun pero alam mong ang aktres-TV host talaga ang kanyang pinatatamaan.

Kapag nagiging paksa nila ang bullying, power tripping at tantrums ay nagbabagsak ng madidiing pagbigkas si Attonery Jess. Sasabihin agad ni Attorney Bruce, “May hugot?”

Mahilig magpasaring ang kapatid ni Nicko, sa mga tulad naming mulat sa isyung kinapapalooban ng kanyang kapatid at ni Kris ay hindi kami maaaring maligaw, kumukurot ito.

Na hindi natin mapipigilan, isang sinapupunan lang ang pinanggalingan nila ni Nicko, kaya natural lang na hindi sila maaaring maging tubig at langis na maghihiwalay sa laban.

Malaya rin naming natatalakay ang isyu sa Cristy Ferminute, nagbibigay kami ni Wendell Alvarez ng mga opinyon, hindi lang kami kakikitaan ng bias dahil hindi namin kapatid si Nicko at si Kris naman kapag nagkakamali ay pinipitik din namin.

Masyadong gamit na gamit ang social media sa parunggitang ito. Parang magulang nilang pinagsusumbungan ang kanilang mga account, na para bang sa pamamagitan nu’n ay walang may pagkakamali sa magkabilang panig, bakit pa sila naghaharap sa piskalya kung pareho naman pala silang nagsasabi ng katotohanan?