Abante Tonite Interactive

Young actress pinagmumura, sinaktan ng ina

1,407

SA isang commercial shoot ay nagdesisyon ang mga staff ng isang ahensiya na huwag munang sumalang ang isang magandang young actress. Mugtung-mugto kasi ang magkabila niyang mata.

Isang mapusong staff ang nagsabi sa young female personality, “Sige, iiyak mo munang lahat ang mga pinagdaanan mo. We will give you enough time. Mag-rest ka muna.”

Nang marinig ng young actress ang payo ng staff ay lalo pa siyang napahagulgol, napakasakit ng kanyang pag-iyak, parang pasan niya ang mundo.

Nang mahimasmasan na ang magandang young actress ay pinaghilamos siya sa nagyeyelong tubig, gumawa rin ng paraan ang make-up artist para mawala ang pamamaga ng kanyang mga mata, minasahe nito ang kanyang mukha ng yelong nakabalot sa bimpo.

Awang-awa sa kanya ang mga nandu’n, may nakapagparating kasi sa kanila ng impormasyon na bago umalis ng kanilang bahay ang young actress ay pinagmumura siya ng kanyang ina, at ang pinakamatindi ay sinaktan siya.

Kuwento ng aming source, “Hindi lang nu’n nangyari ang ganu’n, kahit sa taping, palagi siyang dumarating na magang-maga at mugtung-mugto ang mga mata niya!

“Mabait ang batang ‘yun! Hindi siya lumalaban sa mommy niya, kahit na hirap na siya, e, puro iyak lang ang panglaban niya!” napapailing na kuwento ng aming kausap.

Ang ipinagtataka ng mga nakakaalam ng kuwento ay kung bakit sinasaktan pa ng kanyang ina ang young actress samantalang napakalaki ng naitutulong niya sa kanilang pamilya?

“Grabe talaga ang pinagdadaanan ng batang ‘yun sa mommy niya na ewan kung bakit ganu’n na lang ang mga ginagawang pagpapahirap sa kanya!

“At hindi lang basta ganu’n ang inaabot niya, ha? Kahit sa social media, ipinapahiya siya ng mother niya!

“Napaka-weird ng mommy niya! Parang may kung anong galit sa mundo ang babaeng ‘yun na sa kanya ibinubuwelta!” inis na sabi pa ng aming source.

Nang ipalabas ang TVC ng young actress ay parang walang nangyari. Napakaganda niya sa commercial. Walang ginawang anumang photoshop pero lumutang pa rin ang kanyang ganda.

Hindi siya papasa sa role ng isang babaeng pumapatay habang nakasuot siya ng damit-pangkasal.

Alden umiiyak ang puso

Dahil tatlong linggo na lang ang buhay ng The Gift ay pumumpuno na ng sorpresa ang bawat eksena ng pinagbibidahang serye ng Pambansang Bae na si Alden Richards.

Mas buhay na buhay na ang galit ng buong bayan ngayon kay Martin del Rosario, Rochelle Pangilinan at sa OA kung umarteng si Christian Vasquez dahil sa sobrang pagpapahirap kay Sep at sa kanyang nanay-nanayang si Aling Strawberry.

Sa mga eksena ni Alden nitong mga huling gabi ay ipon na ipon na ang kanyang kahusayan sa pag-arte. Hindi na basta guwapo lang ang Asia’s Multimedia Star, aktor siya, maipagmamalaking aktor ng kanyang panahon.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “I had a hard time going home dahil sa pesteng traffic. Kahit saan ka dumaan, punumpuno ang kalye! Traffic capital of the world na talaga ang Pilipinas!

“Pero nawala ang pagod at inis ko nu’ng mapanood ko ang eksena nina Alden at Jean sa kotse. Ang tindi nu’n! Unti-unting namuo ang luha ni Alden, hindi ‘yun binitiwan ng camera, hanggang sa bumagsak at napahikbi siya.

“Restraint acting ang tawag du’n! Walang kaingay-ingay, puso niya ang umiiyak, ang galing-galing na talagang umarte ni Alden Richards!” napakadiing komento ni prop.

Napanood din namin ang eksenang ‘yun. Nagtawagan din kami ng aming mga kaibigan tungkol sa maigsing tagpo nina Alden at Jean sa kotse at nag-iiyakan din sila sa pagtutok.

Kaikangan nang tapusin ang serye dahil sasalang na bilang host ng Centerstage si Alden. Masyado siyang mapapagod kung tatlong programa na ang kanyang ginagawa linggo-linggo.

Sabi uli ni prop, “Nice idea. Dahil tao si Alden Richards. Hindi naman siya makina. He deserves to have some rest.”