Abante Tonite Interactive

Young actress walang pakikisama sa kapwa artista

1,090

MARAMING nagpapatunay na kakaiba ang tabas ng dila ng isang young female star. Palibhasa’y hindi naman siya dito lumaki talaga ay nahaluan na ng ibang kultura ang kanyang ugali.

Marami ring nagpapatunay na meron siyang matinding mood swings. Mahirap kapain ang kanyang ugali dahil sa maraming pagkakataon na para siyang bulag, pipi at bingi sa kanyang mga katrabaho.

Kuwento ng isang source, “Ang feeling kasi niya, e, very important star na siya. Wala pa nga siyang napapatunayan, pero ganu’n na talaga ang pakiramdam niya.

“Para bang poste na siya ng industry, para bang kailangang-kailangan siya talaga ng showbiz, ganu’n ang akala niya sa sarili niya,” reaksiyon ng impormante.

Madiwara rin kung ilarawan ng iba niyang katrabaho ang young female star, pati ang mga dialogues na bibitiwan niya ay kailangang ipaliwanag muna sa kanya, ayaw raw niyang mapahiya sa manonood.

Kuwento naman ng isa pang source, “Naku, baka ‘yun din ang reason kung bakit sila nag-break ng boyfriend niyang male personality? Baka hindi rin masakyan nu’n ang ugali niyang hindi mo maintindihan kung ano ba ang nararamdaman niya?

“Madalas kasi siyang nakasimangot, parang pasan niya ang mundo, para siyang nakakaamoy ng kung ano sa paligid niya!” natatawang sabi ng impormante.

Tuloy ay hindi maiwasang ikumpara ng marami ang kanyang ugali sa mismong kadugo niyang aktres na mahal na mahal ng kanyang mga kapwa artista at katrabaho.

Masayahin kasi ang female personality, marunong makisama, hindi rin matalas ang tubo ng kanyang dila kaya wala itong nakakaaway.

“Naku, kailangan niyang mag-undergo ng seminar-workshop sa sister niya para matuto siya! Kung gusto niyang maabot ang naabot na ng kapatid niya, e, baguhin niya ang attitude niya!” pagsasarado sa istorya ng aming source.

Buhay ang dugo ng mga maka-Maricel

NAG-story conference na ang buong cast ng seryeng ipapalit ng ABS-CBN sa Kadenang Ginto na magtatapos na sa February 7.

Magkakasamang dumalo sina Jodi Sta. Maria, Sam Milby, Iza Calzado at ang nag-iisang Dimanond Star na si Maricel Soriano.

Buhay na buhay na naman ang dugo ng mga Maricelians, aktibo sila ngayon sa social media, dahil mapapanood na uli nila tuwing hapon ang seryeng What Matters Most ng kanilang idolo.

Isang patotoo si Marya na mawala man nang mahabang panahon ang isang magaling na artista ay siguradong may babalikan pa rin siya. Dalawang kamay pa rin siyang tatanggapin ng ating mga kababayan dahil meron na siyang markang iniwanan.

Nagbakasyon kamakailan si Maricel sa Japan, sinamantala na niya ang panahon para makapagpahinga at makapagliwaliw, dahil kapag nagsimula na ang taping ng bago niyang serye ay puro trabaho na naman ang kanyang aatupagin.

Dyowa ni Ai Ai ‘di maepal

NAPAKIUSAPAN naming mag-guest sa Cristy Ferminute ang mahiyaing mister ng Comedy Concert Queen, walang nagawa ang pilotong si Gerald Sibayan kundi ang pagbigyan ang aming hiling, sobrang mahiyain kasi ang asawa ni Ai Ai delas Alas.

Maganda na ang katawan ni Gerald, malaking timbang ang nawala sa kanya, dahil palagi silang magkasama sa gym at sa paglalaro ng badminton na naging dahilan ng kanilang relasyon.

Walang kaepal-epal ang mister ni Ai ai, habang kasalamuha ng magaling na komedyana ang mga reporters ay nasa isang sulok lang ang magaling na badminton player, hindi nakikihalo sa usapan.

Sabi ng bida ng D’Ninang na ipalalabas na sa Miyerkules, “’Yun ang isa sa mga minahal ko sa kanya. ‘Yung hindi siya maepal. Basta, cool na cool lang siya sa isang tabi, pinababayaan lang niya ako.

“Saka sobrang bait talaga ng asawa ko, pasensiyoso, ako pa nga ang talakera at selosa at lahat-lahat na, e!” tawa nang tawang kuwento ni Ai Ai.

May lisensiya na sa pagpapalipad ng private plane si Gerald Sibayan, isusunod naman nito agad ang pag-aaral para makapagpalipad na ng commercial plane, naisakay na ni Gerald ang kanyang misis sa kanyang biyahe.

“Proud, di ba?” parang nagmamalaki pang komento ni Ai Ai habang kinakausap namin ang piloto niyang mister.