Abante Tonite Interactive

Young hunk actor dautera, daldakina, sawsawera

0 235

tonite-no-thanks-cristy-ferminISANG respetadong showbiz personality ang nagpayo sa isang young hunk actor na ­huwag siyang masyadong putak nang putak sa social media dahil may karera siyang dapat proteksiyunan.

Masyado kasing ­nilangisan ang dila at utak ng young hunk actor, ­mahilig siyang pumuna ng mga pulitiko, nakikisawsaw siya sa maraming isyu na para bang napaka­talino niya at ang dami-dami niyang alam.

Pero isa lang ang naging reaksiyon ng male personality sa nagpayo sa kanya, “Wala akong pakialam sa mga bashers! Basta, sasabihin ko ang gusto ko, walang makapagbabawal sa akin!”

Napailing na lang ang respetadong showbiz personality, ang nasabi na lang nito, “Kunsabagay, may pamilya ang taong ito. Kung ang mga magulang nga niya at mga kapatid, e, hindi niya sinusunod, ako pa ba naman ang pakikinggan niya?”

Bina-bash nang todo sa social media ang male personality, tinatawag siyang dautera, daldakina, sawsawera at iba pang mga negatibong katawagan.

Tanong ng aming source, “Bakit ganu’n ang itinatawag sa kanya ng mga bashers? Di ba dapat, ang itawag sa kanya, e, dautero, daldakino at sawsawero? E, bakit pambabae ang itinatawag sa kanya at hindi panlalaki?”
Ahahay! Oo nga naman!

 

Female personality suki sa ukay-ukay

MARUNONG humawak ng pananalapi ang isang pamosong female personality. Hindi siya basta-basta bumibili ng mga mamahaling damit. Nanghihinayang siya.

Kuwento sa amin ng isang source, “May suki siyang ukay-ukay store. Wala namang masama du’n, ‘di ba? Maraming magagandang produkto sa ukay-ukay, branded pa nga ang iba, basta matiyaga ka lang mangalkal!
“Nagpalitan sila ng phone number ng isang sales lady, ang sabi niya, ‘Basta may bagong dating, tawagan mo na agad ako, para una akong makapamili ng mga produkto n’yo!’

“Ganu’n nga ang nangyayari, basta may new arri­vals na ng ukay-ukay, siya ang unang-unang makikita sa tindahan,” kuwento ng aming impormante.

Panalo!

 

P40M hinahabol ni Kris kay Falcis

 

PINAGTAASAN lang ng kilay nu’n ng mga kababayan natin ang halagang nasa sinumpa­ang-salaysay ni Kris Aquino nang idemanda niya si Nicko Falcis. Ang liit-liit lang daw naman pala.

1.2M ang hinahabol ni Kris kay Nicko, na para sa level ni Kris ay maliit lang para sa mga kababayan natin, akala raw nila ay milyun-milyon talaga ang halaga ng kasong isinampa niya.

Pagkatapos nang ilang buwan ay sinabi ni Kris na hindi lang ang 1.2M ang hinahabol niya, hinahanap din ni Kris ang apatnapung milyong pisong ipinampuhunan niya sa negosyong nakapangalan sa kanyang anak na si Bimby, kaya ang naging reaksiyon ng publiko ay kaya naman pala ganu’n na lang ang paghahabol ni Kris kay Falcis.

Napakalaking halaga naman pala ng sangkot sa usapin, milyones na kaila­ngang maipaliwanag nang husto ng idinemanda ng aktres-TV host kung nasaan, naghihintay na lang tayong lahat ngayon sa magiging resolusyon ng piskalya ng Mandaluyong.

Pero dapat nating maintindihan na sa ganitong senaryo ay hindi ang halaga ng pera ang pinakamahalaga kundi ang prinsipyo. Ke piso lang o milyones ang halaga ng asunto ay importante pa rin ang betrayal of trust, o pagkasira ng ating tiwala sa tao na sa takbo ng pangyayari ay pinanghihinayangan ni Kris.

May kani-kanyang bersiyon sila ng kuwento ni Nicko Falcis, na karapatan naman nilang ipaglaban pareho, ­abangan na lang natin kung sino sa kanilang ­dalawa ang magkakaroon ng bendikasyon sa dulo ng labanang legal na ito.