Abante Tonite Interactive

Youtube Star ‘Xander Bay’ kalaboso sa ecstasy

490

Arestado ang isang 21-anyos na rapper at YouTube sensation sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa harapan ng isang bar sa Angeles City, Pampanga nitong Linggo nang madaling-araw.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Arnly Dimabuyu y Infante o mas kilala sa pangalang Xander Bay.

Naaresto si Dimabuyu sa buy-bust ope­ration ng PDEA pasado alas-dos nang madalingt-araw matapos na isang poseur buyer ang bumili sa kanya ng ecstasy tablet.

Matapos magkapalitan ng iligal na droga at pera ay inaresto ang suspek at nakuha sa kanya ang siyam na piraso ng kulay pink na ecstasy tablet na may halagang P15,900 gayundin ang isang plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Ayon pa sa ulat ng PDEA, may ilang linggo na rin nilang minamanmanan ang suspek na sinasabing supplier ng party drugs sa mga bar sa Angeles City.
Mariin namang itinanggi ng suspek na gumagamit at nagbebenta siya ng party drugs.

Ikinulong si Dimabuyu sa PDEA detention cell sa Pampanga at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ngayon araw ng Lunes. (Edwin Balasa)