Abante Tonite Interactive

Zagu sinita ni Vico: Piket ng empleyado irespeto!

0 734

Nakakuha ng kakampi mula kay Pasig City Mayor Vico Sotto ang nagwewelgang mga empleyado ng kilalang pearl shake maker na Zagu Foods Corporation.

Sa Facebook page ng alkalde naka-post ang isang video kung saan makikitang nakikipag-usap ito sa mga tao sa pabrika ng Zagu sa Brgy. Kapitolyo, Pasig City.

“Mahigit isang buwan nang naka-strike ang unyon ng mga manggagawa ng Zagu. Nakatanggap ako ng report na may naganap na karahasan sa picket line, kaya’t pumunta ako,” sabi ni Sotto.

Sinabi ng alkalde na kanyang kinausap ang mga tao ng Zagu ma­nagement at binigyan ang mga ito ng pagkakataong ipaliwanag kung bakit sinusubukang paalisin ang mga nagwewelga.

“Ang sagot ng admin-in-charge, pinapatupad lang daw nila ang TRO ng NCRL — ngunit malinaw naman sa TRO na puwedeng ipagpatuloy ang strike basta’t hindi ito nakaharang sa pagpasok/paglabas sa Zagu Foods Corp. (nasa gilid lang ang picket line kung saan naganap ang insidente),” ayon pa sa FB post ni Sotto.

Kasabay nito, giniit ng alkalde sa may-ari at pamunuan ng Zagu na sumunod sa batas at igalang ang karapatan ng kanilang mga manggagawa.

“Hindi nangyari ito kung wala ka­yong mga empleyado na 10+ taon na, pero kontraktwal pa rin. Hindi nagkaroon ng strike kung nakipagnegosyasyon kayo nang maayos. Limang buwan na ito sa NCMB, wala pa rin kayong maayos na offer/counter-offer. Bakit kailangang umabot sa karahasan?” ayon pa kay Sotto.