Abante Tonite Interactive

Zaijian nilabanan ang depresyon

873

Malungkot, mag-isa, at laging binabalewala ang teenager na si Rex. Ngunit ano ang kaya niyang gawin kapag hindi na niya makayanan ang bigat ng dinadala?

Samahan si Zaijian Jaranilla sa pagganap niya bilang isang binatilyong uhaw sa pag-iintindi at pagmamahal sa kauna-unahang digital series niya na “Story of My Life,” na napapanood na ngayon sa iWant.

Iikot ang bagong iWant original drama series sa mahiyain at mapag-isang si Rex (Zaijian), na madalas ay pinapabayaan ng kanyang ina dahil sa pagtuon nito ng pansin sa kanyang kuya.

Tila walang tigil ang palpak sa buhay ni Rex, at magiging tampulan pa siya ng tukso dahil sa isang nakahihiyang insidente sa prom sa eskuwelahan. Sa kabila nito, mabibigyan ng pag-asa si Rex ng crush niyang kaklase na mahuhulog ang loob sa kanya, hanggang sa iwan siya nito nang luhaan.

Dahil sa pagpapatong-patong ng mga problema niya, magdedesisyon si Rex na mawala na lang nang parang bula mula sa mga mahal niya sa buhay.

Madudurog ang puso ng kanyang mga magulang nang makahanap sila ng bangkay na pinaniniwalaang si Rex. Sa kanilang pagluluksa, unti-unti nilang mapapagtanto na nagdulot din sila ng kalungkutan sa buhay ni Rex.

Hindi magtatagal ay yayanigin sila ng mga bakas ni Rex hanggang sa aksidente nilang matuklasan ang dahilan sa likod ng pagkawala nito.

Ang “Story of My Life” ay idinirek ni Barry Gonzalez III at isinulat ni Maribel Ilag, mula sa produksyon ng Big Reveal Digital. Tampok din sa serye sina Tart Carlos, Iyah Mina, Raul Montessa, Vance Larena, Belle Mariano, at Alyanna Angeles.

Sadya ng serye ang magbigay-pananaw sa mga pinagdadaanan ng kabataan, at ipamahagi ang pag-unawa at pakikiramay sa kapwa.

Panoorin ang “Story of My Life” sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph. (Roldan Castro)