Abante Tonite Interactive

Zamboanga del Norte Vice mayor, 2 escort minasaker

441

Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang vice mayor ng Baliguian, Zamboanga del Norte habang dead on-the-spot ang dalawang police escort nito at sugatan ang isa pang bodyguard matapos tambangan at paulanan ng mga bala ang kanilang sasakyan sa Barangay Sta. Maria, Siocon, Zamboa­nga del Norte, Sabado ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Gani Esmali, vice mayor ng Baliguian, Zamboanga del Norte; Police Corporal Godelito Bongcac at kasamang police escort. Suga­tan naman ang isa pang bodyguard ng vice mayor.

Naganap ang pamamaril bandang alas-11:30 Sabado ng umaga. Habang sakay ang mga biktima ng Isuzu SUV-MUX patungong Siocon ay tinambangan at pinagbabaril ang mga ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng hindi naplakahang puting van. Pagkatapos ng pamamaslang ay agad nang humarurot patungong bayan ng Gutalac, Zamboanga del Norte.

Naitakbo pa si Esmali sa Siocon District Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival habang patay­ din ang dalawang kasama at isa ang nakaligtas.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang pananambang sa bise alkalde kasabay ng pagsasagawa ng dragnet operation para mahuli ang mga salarin. (Vick Aquino)