Abante Tonite Interactive

Zero to 100

231

Lagi ka bang bokya sa exam? Hindi mo ba ma-perfect ang pagsusulit? O sadyang malas lang dahil hindi lumalabas sa quiz ang mga napag-aralan mo?
Hindi nakukuha overnight ang perfect scores sa mga pagsusulit. Importanteng magkaroon ng study habit para hindi mag-cram at ma-pressure pagsapit ng exams. Kung gusto mong maka-100 points, dalasan ang pagre-review.

‘Yan ang lagi kong payo sa mga estudyante. May isang dekada na rin akong nagtuturo sa kolehiyo. Mahalagang maglaan ka ng oras sa mga takdang-aralin.

Bawasan ang paggamit ng gadgets para makapag-focus sa pag-aaral.

Sa totoo lang, may kanya-kanya tayong style ng pag-aaral. Gaya ko, nasanay akong nagsasalita habang nag-aaral. Binabasa ko nang malakas ang lecture hanggang sa maunawaan at ma-memorize ko. Kaya hindi ako puwedeng mag-review sa maraming tao.

May mga kaibigan akong mas naeengganyong mag-review sa matataong lugar gaya ng coffee shop. ‘Yung iba nga, pa­lakad-lakad pa habang nagrere-review.

Payo ko, mag-aral nang naaayon sa iyong style.

May ilang nagsusulat ng key words sa papel habang nag-aaral para may reviewe­r na rin sila.

Napatunayan sa mga pag-aaral na ang exposure sa music bago ang isang matinding mental activity gaya ng pagsusulit ay malaki ang naitutulong para gisi­ngin ang utak at palakasin ang kamala­yan. Kaya maraming estudyante ang naka-earphones habang nagre-review ng lessos.

Kumain nang wasto. Malaki ang maitutulong ng tamang pagkain. Nakaka-distract sa pagkuha ng exam ang kumakalam na sikmura.

Sleep well. Importanteng may sapat na tulog bago kumuha ng pagsusulit. Huwag magpuyat para fresh sa memory ang lahat ng pinag-aralan.

Puwera kodigo, ihanda ang lahat ng kailangan gaya ng extra papers, ballpens, pencils, erasers at calculator kung pahihintulutan ng iyong teacher. Hassle kung wala kang gamit at manghihingi o manghihiram ka na naman sa mga kaklase.

Magbaon ng bottled water sa exam. Mas mabilis daw makapag-isip ang taong laging hydrated.

Kahit anong aral mo, ‘pag hindi mo sinamahan ng panalangin – balewala rin.

Ang sa akin lang, huwag kalimutang magdasal bago at pagkatapos kumuha ng pagsusulit.