Abante Tonite Interactive

‘Zero-waste’ SEA Games hiling ng DENR

364

Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga organizer ng Southeast Asian (SEA) Games at sa mga host na local go­vernment unit (LGU) na siguraduhin ang pro­per waste management at ipatupad ang ‘zero-waste-to-landfill’ policy sa kabuuan ng pagdaraos ng dalawang linggong biennial sports event.

Sinabi ni DENR Undersecretary for So­lid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda na wala dapat dadalhin na biodegra­dable o recyclable na basura mula sa mga pagdarausan ng SEA Games sa mga landfill.

“We call on the SEA Games organizers to use the event as a ve­nue to showcase our best practices on solid waste management,” sabi ni Antiporda na siya ring chair ng National So­lid Waste Management Commission (NSWMC).

Ang apila ay bunsod ng inaasahang dami ng basura na magmumula sa mga lugar kung saan magtitinda ng pagkain at inumin. Kabilang sa mga magiging basura ng palaro ay mga plastic at food beverage container, aluminum can at cardboard.

Sabi ni Antiporda na maaaring hili­ngin ng mga SEA Games organi­zer at host LGU ang tulong ng mga kinauukulang city and municipality environment and na­tural resources officer at magpakilos ng mga vo­lunteer para masiguro na ang mga basura ay maayos na maipaghiwa-hiwalay at maipadala sa mga materials recovery facility.

Umaasa si Antiporda na ang 12 araw na pa­laro ay magsisilbing pagkakataon na maisulong ang waste segregation at recycling, at ang mga ito ay manatili ‘beyond the games’.

Idinagdag pa niya na ang mga pamamaraan sa pagpapatupad ng waste segregation at recycling ay nakalatag na mula sa antas ng probinsya hanggang sa barangay batay sa kanilang mga naaprubahang 10-year Solid Waste Management Plan (SWMP).

Ang mga SWMP ay alinsunod sa Republic Act 9003 o ang Ecolo­gical Solid Waste Ma­nagement Act of 2000 na nag-aatas sa mga LGU bilang panguna­hing may responsibilidad sa waste segregation at disposal.

Ayon sa tala ng NSWMC, 20 sa 23 siyudad at bayan na host ng SEA Games ang mayroon nang aprubadong SWMP, samantalang ang tatlo ay kasalukuyang sinusuri. (Riz Dominguez)