Abante Tonite Interactive

Zubiri nakabantay sa mananabotahe ng BBL

By
470

Mistulang isinisi ni Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri sa mga maagang nagbakasyon na kasamahan ang pagkakabalam ng pagpapatibay ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago ang kanilang Lenten break noong Marso.

Sa unang timeline ni Zubiri, tinarget nito na maaprubahan sa 3rd and final reading ang panukala noong Marso 23.

“Nagbigay ako ng timeline bago tayo mag-break, plano ko tapusin ko na sana, may mga kasamahan tayo hindi nagpapakita sa plenary eh, medyo pasensya sa ating mga kasamahan, kung buo sana kami noon at may suporta sa majority matatapos sana ‘yun,” wika ni Zubiri sa panayam ng DWIZ.

Malaki naman ang pasasalamat ni Zubiri kay Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pahayag nito para pabilisin na ang approval sa BBL.

Sa pagbabalik anya ng sesyon, tatapusin na nila ang period of interpellation upang masimulan naman ang period of amendment.

Kasabay nito, na­nawagan ito sa mga kasamahan sa mayorya na tulungan siyang tiyakin na hindi masabotahe ang panukala upang maging malabnaw ang ipapasa nilang batas para sa Bangsamoro.

“Kailangan ko ng tulong ng ating mga kasamahan dahil magkakabotohan niyan, baka may mag-object na tuloy pa dapat interpellation definitely kailangan ko mga kasamahan ko para iback up po tayo. Pagdating ng amendment ‘pag may magwa-waterdown sa law which will make it inutile, kung magiging inutil yan baka hindi i-accept ng grupo ng Bangsamoro at magkakaroon ng gyera na naman ay hindi ako papayag so kailangan ko ng tulong ng ating mga kasamahan,” paniniyak ni Zubiri.