Nakatutuwang ipinakilala ang anak ni Manny Pacquiao na si Eman .Anak niya ito kay Joana Bacosa.
Sa panayam kay Joana ay buong tapang niyang ikinuwento ang love story nila ni Manny, na ang naging bunga nga raw ay si Eman.
“Natutuwa ako para sa anak ko, pero parang kinakabahan ako kaya ako parang naiiyak, kasi hindi ko alam ang kahihinatnan nito pagkatapos ng interbyu na ito. Pero ako naman, I am still hoping for the best na para ito sa kabutihan ng anak ko, ‘yung interview na ito, lalo na po kina Sir Manny at Ma’am Jinkee. Ayoko na pong magkaisyu kasi minsan ‘yung mga tao, kahit na dapat walang isyu, pinag-aaway na nila. Ang intensiyon ko talaga is para sa anak ko. ‘Yung para sa kabutihan niya. At saka tungkol sa past, naka-move on na po ako,” pahayag ng ina ni Eman.
Sa panayam naman kay Eman ay sinabi niya na kahit daw si Pacman ang kanyang ama, hindi raw ito dahilan para yumabang o lumaki ang ulo niya.
Sapat na raw sa kanya na kinikilala na siya ngayon ng dating senador at iconic boxing champ bilang anak.
“Hindi po ako nagpapadala sa pangalan kasi, at the end of the day, hindi naman po ako si Manny Pacquiao. Ako naman po si Eman Bacosa Pacquiao,” sambit pa ni Eman.
“Kapag nagboboksing ako, parang nabibigyan ko ng meaning ‘yung buhay ko, ‘yung mama ko. Naipapakita ko sa mundo na mali ho ‘yung akala nila sa mama ko.Ang mama ko, hindi masamang tao. Maka-Diyos po ang mama ko. Pinalaki niya ako na [may] mabuting puso,” pagtatanggol ni Eman sa ina.
Naitanong din kay Eman ang tungkol sa relasyon niya sa asawa ni Manny na si Jinkee Pacquiao.
“Maayos naman po kami ni Tita, paminsan-minsan nag-uusap naman po kami,” sambit pa ni Eman. (Allan Sancon)










