WebClick Tracer

NEWS

Mga flood control project sa Bulacan nakatiwangwang – Vice Gov Alex Castro

ABANTE TONITE

Ibinunyag ni Bulacan Vice Governor Alex Castro na daan-daang mga flood control project sa kanilang lalawigan ang hindi pa natatapos gawin kaya naman lubhang nangangamba ang mga residente sa sunod-sunod na pag-ulan at hindi humuhupang pagbaha sa maraming lugar.

Sa programang “At The Forefront” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Castro na nasa 600 ang mga unfinished project sa Bulacan dahil may mga nakabinbin na kaso ang mga ito at tinatayang 40 porsiyento rito ang flood control project.

Ayon sa kanya, kabilang sa mga hindi pa nagagamit o hindi gumaganang imprastraktura ang mga floodgate, pumping station at flood wall.

Giit pa ni Castro na kailangan ding ayusin ang drainage system ng Bulacan at magkaroon ng maayos na drainage master plan.

Mungkahi rin niya ang paglilinis ng mga creek, pag-aalis ng mga nakaharang sa daluyan ng tubig, at paggawa ng mga water reservoir sa mga lugar na madalas bahain.

Nangangamba si Castro na muling mararanasan ng mga Bulakenyo ang pagbaha sa susunod na taon kung hindi maaaksyunan ang mga binanggit niyang problema sa kanilang lalawigan.

“Hindi tayo puwedeng huminto dito, nakatiwangwang lang `yan,” ayon kay Castro.

Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa Department of Public Works and Highways at mga bagong kontratista na ang hahawak sa mga proyekto.