WebClick Tracer

NEWS

PAOCC naalarma sa nagsulputang mga Chinese steel plant sa `Pinas

ABANTE TONITE

Nababahala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa dami ng mga steel manufacturing plant sa bansa na pinatatakbo ng mga Chinese at may ilan pang itinatayo hanggang ngayon.

Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni PAOCC Executive Director Gen. Benjamin Acorda Jr. na ang tatlong steel manufacturing company na sinalakay ng mga awtoridad ay nagsimulang mag-operate ng kanilang induction furnace taong 2017 hanggang 2019.

Nang tanungin kung gaano karami ang mga naturang establisimyento, sinabi ni Acorda na hindi pa niya maaaring ibunyag ang eksaktong bilang ngunit “very alarming” umano ang dami nito.

“It’s very alarming and it needs an inter-agency… the number of establishments, and until now, marami pang nagpapatayo,” wika niya.

Ayon pa sa opisyal, hindi lamang ang tatlong steel plant na sinalakay ang kanilang tinitingnan.

“Napag-usapan din namin diyan with the DTI (Department of Trade and Industry) and in fact our next move would be inter-agency. Talagang magtutulong-tulungan ang mga agency para bigyan ng pansin ito,” aniya.

Samantala, umabot umano sa 900,000 metric tons ng radioactive materials ang nasabat sa bawat isa sa tatlong steel plant na sinalakay ng mga awtoridad.

“We are talking about 900MT ang nandiyan sa isang raid. Almost a million metric tons, and saan dadalhin ang mga waste nito?” dagdag niya. (Issa Santiago)