Nag-alsa balutan na sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda at Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Ito ang kumpirma mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo, isang araw matapos ianunsiyo ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na tinanggap na ng presidente ang resignation ni Aguda.
Si Aguda ang ikalawang kalihim na natanggal sa DICT simula nang maupo si Marcos noong 2022.
Iniulat ng Bilyonaryo na si Social Security System (SSS) president at CEO Robert Joseph Montes de Claro ang umano’y matunog na susunod na kalihim ng DICT pero posibleng masilat pa ito ni dating presidential spokesperson Edwin Lacierda.
Ikinokonsidera rin umano sina David “Dave” Almirol Jr., DICT undersecretary for e-Government at founder ng Multisys Technologies gayundin si Atty. Alexander “Aboy” Paraiso, executive director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Malalaman na ngayong linggo kung sino ang papalit kay Aguda sa DICT.
Hindi rin nagtagal sa PCO si Dave Gomez, ang dating reporter at tobacco firm executive. Noong Hulyo 10, 2025 lamang siya itinalaga sa nasabing tanggapan. Ngayon, marami na siyang panahon para magyosi.
Sa loob ng apat na taon, si PTV General Manager Lino Cayetano ang ikaanim na itinalagang PCO Secretary. Ito na yata ang ahensiyang mabilis magpalit ng kalihim, aba’y parang damit lang sa bilis magpalit.
Isa sa pangunahing trabaho kasi ng PCO chief ay pabanguhin ang pangalan ni Pangulong Marcos. Hindi ito nagawa ni Gomez dahil lalo pang bumagsak ang rating ng Pangulo sa mga respetadong survey firm.
Sa mga original Cabinet member mula noong 2022, ang mga natitira na lamang at masasabing inuugat na ay sina Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III at Science and Technology Secretary Dr. Renato Solidum.
Wala naman kasing masyadong isyu sa agrarian reform, bukod pa sa talagang sanggang dikit ng mga Marcos ang mga Estrella. Ang lolo kasi ni Conrado Estrella III na si Conrado Estrella Sr. ay nagsilbi ring Agrarian Reform Minister mula 1971 hanggang mapatalsik si Marcos Sr. sa 1986 EDSA Revolution.
Kasama sana sa listahan ng mga inuugat sa gabinete si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla. Siya kasi ang unang Justice Secretary ni PBBM pero nalipat lamang bilang Ombudsman.
Masuwerte na rin ang ibang opisyal na nakabalik sa puwesto matapos matalo noong 2025 midterm elections. Isa rito ay si Cabinet Secretary Benhur Abalos.
May ilan sa mga Cabinet member ang nakaladkad sa flood control scandal kaya natanggal. May ilang Cabinet member na nakuwestiyon ang loyalty. May Cabinet member na nakaladkad sa sex scandal ang asawa kaya pinagbakasyon at hindi na nakabalik.
Ilan lamang ito sa mga nalantad na isyu kaya nawala sila sa puwesto. Siguradong marami pang nakatagong isyu sa likod ng health reasons ng mga nag-resign.











