WebClick Tracer

METRO

Nanlait kay Wes Gatchalian, kalaboso

ABANTE TONITE

Arestado ang isang 44-anyos na babaeng negosyante na kamakailan lang ang tumutuligsa sa truck ban na ipinapatupad sa Valenzuela City kung saan kung ano- anong maaanghang na salita at mura ang inabot sa kanya ni Mayor Wes Gatchalian.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Cathy,” na naaresto ng mga pulis sa kanyang bahay sa Brgy. Sabang, Baliwag, Bulacan bandang ala-1:00 ng madaling-araw noong Sabado.

Isinilbi sa kanya ang warrant of arrest sa kasong Unjust Vexation na isinampa sa kanya ng isang private complainant noon pang March, 2023, na inilabas ng Caloocan City Metropolitan Trial Court Branch 49.

Matatandaang nito lang September 26, nag-post umano ang negosyante sa kanyang Facebook account tungkol sa truck ban sa Valenzuela City. Umani ang kanyang post ng halos apat na milyong views at 80,000 reaction matapos niyang punahin at laitin ang polisiya ng alkalde na lubha aniyang nakakaperwisyo sa daloy ng mga negosyo.

Ipinatutupad ang truck ban mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi upang mapabilis ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga pangunahing kalsada sa lungsod.

Sinabi ng alkalde na may mga exemption naman para sa mga kuwalipikadong negosyo.