WebClick Tracer

NEWS

PBBM tinitimbang social media ban sa kabataan

ABANTE TONITE

Posibleng mas mahirapa bantayan ang mga kabataang nalalantad sa mapanganib na online content kapag tuluyang ipinagbawal sa kanila ang social media, kaya pinag-aaralan pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung dapat magpatupad ng ganitong pagbabawal sa Pilipinas.

Sinabi ni Marcos na may pakinabang ang blanket ban sa mga menor de edad, pero mayroon ding panganib na itago lamang ng mga bata ang kanilang online activities.

“Kapag binan mo, itatago nung bata. So, hindi mo na ngayon alam na that kid is going on to that site, reading all of this, is getting groomed,” paliwanag ng Pangulo sa media briefing sa Singapore.

Ang online grooming ay ang unti-unting pagkuha ng tiwala at pag-impluwensiya sa isang bata upang mahikayat siyang gumawa ng mapanganib o mapagsamantalang bagay.

Ayon kay Marcos, kailangang maunawaan kung paano mahihikayat ang ilang kabataan na gumawa ng karahasan matapos malantad sa mga mapanganib na impluwensiya sa internet.

Inihalintulad niya ito sa radicalization, kung saan unti-unting kinukumbinsi ang isang tao na manakit o pumatay.

Sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan ng gobyerno ang mga bansang nagpatupad na ng pagbabawal sa social media para sa mga kabataang nasa edad 16 pababa.

Bukod sa posibleng pagbabawal, sinabi ni Marcos Jr. na nakikipagtulungan na ang ilang online platform sa gobyerno upang alisin ang mapanganib na content, kabilang ang mga materyal na may kinalaman sa grooming.

Gayunman, iginiit niyang walang iisang hakbang na makalulutas sa problema at kailangan ding maging mapagmatyag ang mga magulang at guro. (Prince Golez)