Pinagbigyan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang hiling ng prosekusyon na dagdagan ang bilang ng mga insidente ng pagpaslang na iniuugnay sa kampanya kontra ilegal na droga sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 9, bahagyang pinagbigyan ng Trial Chamber III ang hiling ng prosekusyon at isinama ang pitong insidente sa kaso, mula sa walong hiniling na idagdag noong Agosto.
Ayon sa prosekusyon, pasok sa saklaw ng mga kasong kinumpirma sa pre-trial stage ng paglilitis ang mga karagdagang insidente.
Dahil dito, umakyat sa 56 mula 49 ang kabuuang bilang ng mga pagpaslang na saklaw ng kaso.
Anim sa mga bagong insidente ang idinagdag sa Count No. 3, na tumutukoy sa mga pagpaslang sa “barangay clearance operations” sa Metro Manila noong panahon ng kanyang pagkapangulo.
Ang dalawang pang insidente ay isinama sa Count No. 2, na sumasaklaw sa mga pagpaslang sa mga tinaguriang high-value target mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.
Bago nito, idineklara rin ng Trial Chamber III na “fit” si Duterte upang makilahok sa paglilitis.
Inaasahang haharap muli si Duterte sa status conference ng korte sa Oktubre 13, bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa kanyang kaso sa Nobyembre 30. (Angelika Cabral)











