Nangako ang national women’s baseball team na mas magiging maangas sa susunod na pagkakataong makasabak sa 11th WBSC Women’s Baseball World Cup 2030.
Ipinahayag ni Isaac ‘Saki’ Bacarisas na tiyak na lalampasan ng Pilipinas ang unang pagganap sa ika-10 edisyon ng paligsahan bilang wildcard sa Tainan, Taiwan noong Agosto 23-27, kung saan nagtapos dito na may 2-3 rekord kabilang ang mga pagbulaga ng world No. 21 Pinay batters laban sa world No. 7 Cuba 6-0, at world No. 15 Great Britain 6-2.
Magkasunod na pagkatalo sa pagtatapos ng group B stage laban sa world No. 6 host Chinese-Taipei 8-2 at world No. 5 Venezuela 10-0 ang tumapos sa tsansa ng bansa na makapasok sa 2027 Finals sa Rockford, Illinois.
“Nasukat na naming ang kagalingan nila ngayon. Siguro naman sa susunod na pagkakataon at alam na rin naman natin ang mga kahinaan nila, makararating na tayo sa world finals,” bulalas ni Bacarisas sa lingguhang Philippine Sportswriters Association Forum sa Philippine Sports Commission media room nitong Martes.
“Sana sa susunod makabalik tayo.”
Sumama ang ilan sa mga miyembro ng koponan kay Bacarisas sa sesyon na mga iniharap ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, Milo, at ArenaPlus. Kabilang sina kapitana Veronica Velasco, Martine Francisco, Richelle Toledo, Cassandra Inot, Nichole Padasas, Mharnie Dela Cruz, Mery Ann Ramos, at Chastene Jover.
Dumalo rin si Philippine Amateur Baseball Association secretary general at team manager Michael Asuncion sa Forum, pero umalis nang mas maaga dahil sa isang naunang pangako.
Nagsimula ang kampanya ng mga Filipina nang matalo sa world No. 1 at defending champion Japan 3-0.
Pero ang malapit na pagkyukod sa mga Haponesa ang nagbigay sa pambansang koponan ng kumpiyansa at momentum papunta sa mga laban sa Cubans at Britons.
Pagkadaig sa Cuba, sinunod ‘Pinas ang Brits kung saan si Francisco ang naging best player of the game, na nagbigay sa koponan ng 2-1 rekord sa Group B at isang perpektong pagkakataon na makuha ang puwesto sa finals sa susunod na taon.
“Sobrang nakaka-proud dahil yung unang panalo ng Pilipinas sa World Cup ay ginawa ng kababaihan,” ani Velasco. “Sobrang sarap sa feeling namin na parte kami ng kasaysayan.”
Kung hindi dahil sa mga pagkatalo laban sa Taiwanese at Venezuelans, pakiramdam ni Bacarisas na nakararating sana ang PH 9 hanggang Illinois.
“Kontra Taipei, medyo naubos na rin ang energy, pero tingin ko kaya pa rin, e,” lahad ng dating Blu Boy. (Abante Tonite Sports)











