Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng isang pulis na nakuhanan ng video na umano’y nanakit at nanutok ng boga sa isang estudyanteng rider kasunod ng isang aksidente sa kalsada.
Ayon sa LTO, nabangga, sinuntok at tinutukan umano ng baril ng pulis ang isang college student na nakamotorsiklo sa Governor’s Drive, Trece Martires City, Cavite noong Agosto 27.
Hinabol umano ng driver ang estudyante at angkas nito bago banggain ang likurang bahagi ng kanilang motorsiklo, dahilan upang tumumba ang dalawa.
Nakatakas umano ang angkas, habang hindi na nakaalis ang rider matapos umanong tutukan ng baril ng driver bago siya sinuntok at sapilitang dinala sa himpilan ng pulisya.
Nagpositibo rin umano sa alak ang driver nang isailalim sa Alcohol Breath Analyzer test.
Inatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at driver ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division sa Setyembre 11.
Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang lisensiya ng driver at inatasang agad itong isuko sa LTO. Inilagay na rin sa alarm status ang sasakyang sangkot sa insidente. (Dolly Cabreza/Angelika Cabral)










