WebClick Tracer

LIFESTYLE

Sa Hagupit ng Habagat, Tata Usteng Pa Rin

ABANTE TONITE

Mga bata na naglalaro at gumuguhit sa loob ng World Vision Child-Friendly Space (CFS) matapos ang kalamidad.

Hindi alintana ng mga deboto ang masungit na panahon.

Kahit umuulan dahil sa Habagat, tuloy ang pagdayo ng mga mananampalataya sa Tanza, Cavite para sa Dakilang Kapistahan ni San Agustin de Tanza, o mas kilala sa tawag na Tata Usteng.

May mga galing sa iba’t ibang bahagi ng Cavite at Metro Manila. May bumiyahe pa mula Laguna, Batangas, Bulacan at Rizal.

May malayo pa? Meron.

Maging ang mga Tanzenong nasa ibang bansa ay nagdiwang din—sa Guam, San Francisco, San Diego, Toronto at iba pang lugar.

Ganito kalalim ang debosyon kay Tata Usteng.

Noong Agosto 28, may 17 Fiesta Masses mula alas-4 ng madaling-araw hanggang alas-8:30 ng gabi. At sa kabila ng ulan, punong-puno ang simbahan.

Ganoon din sa mga novena mula Agosto 1 hanggang 27. Umaga man o hapon, hindi natinag ang mga deboto.

Sa bisperas ng pista, kabi-kabila rin ang karakol sa mga barangay ng Tanza at maging sa mga karatig-bayan.

May isang netizen pa ngang nakakuha ng larawan ng ulap na sinasabing kahawig ni Tata Usteng habang isinasagawa ang karakol. Para sa iba, ulap lang iyon. Para sa deboto, maaaring isa iyong magandang paalala ng kanilang pananampalataya.

Mas espesyal din ang pista ngayong taon dahil ipinagdiriwang ang ika-10 anibersaryo ng pagiging Shrine ng Parokya ng Sta. Cruz. Mahalaga ito dahil isa ito sa mga hakbang para maisulong ang petisyon na maitaas ang Shrine ni Tata Usteng bilang isang National Shrine.

Pero higit sa titulo, ranggo o pagkilala, ang mahalaga ay buhay ang debosyon. At malinaw iyon sa dami ng taong patuloy na pumupunta sa Tanza.

Ang tema ngayong taon ay: “Tata Usteng: Nakinig sa Diyos at nagbagong-buhay.” Simple pero malalim. Dahil ang pakikinig sa Diyos ay hindi lang dapat nauuwi sa panalangin. Dapat may pagbabago.

Mas mabuting anak. Mas mabuting magulang. Mas mabuting kapitbahay. Mas mabuting tao. Dahil ano ang silbi ng debosyon kung pagkatapos ng pista ay balik din tayo sa dati?

Kasabay ng kapistahan, pormal ding itinatag ang Cofradia de San Agustin de Tanza, na layuning makatulong sa pagpapalaganap ng debosyon kay Tata Usteng sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Mula Tanza, mas marami pa sanang makarinig sa kuwento ni Tata Usteng. At habang patuloy ang pagdating ng mga deboto kahit umuulan, isang bagay ang malinaw: Hindi kayang pahupain ng Habagat ang pananampalataya.

Ang sa akin lang – kapag puso ang naglalakbay, hindi hadlang ang ulan. At kapag ang pakay ay pananampalataya—Tata Usteng pa rin. (with reports from Jhan Ferdie Llagas)