‘Pag tumatanda ka na talaga, nagbabago rin ang paraan mo ng pagta-travel. Kung noong early 20s ay okay lang ang halos walang pahinga na itinerary, tipid meals, at paghahanap sa pinakamurang flights, ibang usapan na kapag papunta ka na o nasa “trenta” stage na ng buhay. Unti-unti mong nare-realize na hindi lang pala paramihan ng napupuntahang lugar ang sukatan ng magandang biyahe. Mas nagiging mahalaga na ngayon ang comfort, peace of mind, at meaningful experiences.
Dati, exciting ang back-to-back na lakaran mula umaga hanggang gabi. ‘Yung tipong kailangan masulit bawat minuto dahil “sayang ang punta.” Pero habang tumatagal, mas naa-appreciate mo na ang slow travel. ‘Yung may oras kang umupo sa café habang pinapanood ang mga tao sa paligid at ‘yung hindi mo kailangang habulin lahat ng tourist spots para lang masabing napuntahan mo. Minsan, mas masarap pa ngang maglakad-lakad lang hindi pamilyar na lugar at tumuklas ng mga shop, restaurant, at spots na wala sa plano mo.
Isa rin sa mga realization ng trentahin traveler ay ang pagdagdag ng gastos para sa convenience. Hindi na masama kung gusto mo ng mas maayos na hotel room, mas komportableng transportasyon, o itinerary na may pahinga. Sa edad na ito, mas pinapahalagahan mo na rin ang experiences kaysa puro picture lang para sa social media.
At kung may isang travel goal na tila pasok sa bagong mindset ng mga trentahin, iyon ay ang makapag-cruise. Kasama ito sa bucket list ko at sana soon ay matupad na.
Sa ganitong experience kasi, para ka na ring nasa floating hotel na may restaurants, entertainment, at iba’t ibang activities onboard. Ang pinaka-magandang part dito? Hindi mo kailangang paulit-ulit mag-empake o maghabol ng flights kada destinasyon. Relaxed ang biyahe pero exciting pa rin dahil iba-ibang lugar ang puwedeng puntahan.
Hindi nakakapagtakang mas maraming Pilipino ngayon ang naeengganyo sa cruise tourism. Bukod kasi sa convenience, para itong uri ng travel na swak sa mga taong gusto pa ring mag-explore pero hindi sila pagod pag-uwi.
Kasabay ng lumalaking interes sa cruise tourism, patuloy rin ang paghahanda ng Philippine Ports Authority para mas mapaunlad ang cruise ship industry sa bansa. Sa ilalim ng pamumuno ni General Manager Jay Santiago, isinusulong ng ahensya ang mga proyekto para sa dedicated cruise ship ports sa ilang pangunahing tourist destinations sa Pilipinas. Kabilang dito ang mga cruise port development sa Coron, Aklan, Camiguin, at Puerto Galera.
Malaking bagay ito hindi lang para sa turismo kundi pati sa mga lokal na komunidad na makikinabang sa pagdami ng mga turista at oportunidad sa negosyo.
Siguro nga, isa sa pinakamalaking realization pagdating ng trenta ay: hindi mo na kailangang magmadali sa lahat ng bagay, kasama na ang pagta-travel. Mas gusto mo nang namnamin ang bawat biyahe, bawat view, at bawat alaala. Dahil sa huli, hindi naman paramihan ng stamps sa passport ang importante kundi kung paano ka binago ng bawat lugar na napuntahan mo.
Tara, gala tayo!











