WebClick Tracer

LIFESTYLE

Ang Pagbabalik ng Pambansang Pamilya

ABANTE TONITE

Mga bata na naglalaro at gumuguhit sa loob ng World Vision Child-Friendly Space (CFS) matapos ang kalamidad.

May mga programang sumikat. May mga programang tumatak. At may mga programang naging bahagi na mismo ng buhay ng pamilyang Pilipino. Isa na rito ang Home Along Da Riles.

Panahon namin ito. Isa ako sa mga lumaki na inaabangan ang bawat Huwebes dahil alam mong mapapanood mo na naman ang mga kuwento, kalokohan, at aral mula sa Pamilya Cosme sa pangunguna ng nag-iisang Comedy King na si Dolphy.

Kaya naman malaking sorpresa para sa akin nang makita ko nang personal ang karamihan sa cast ilang linggo na ang nakalipas sabay sa inilunsad na Laguna Youth Patrollers sa Biñan City. Bilang isa sa media speakers ng programa, magkakasama kami sa holding area.

Nandoon sina Nova Villa, Maybeline Dela Cruz, Dang Cruz, Cita Astals, Boy 2 Quizon, Vandolph, at Claudine Barretto. At aaminin ko, matagal-tagal na rin mula nang huli akong ma-starstruck.

Pero higit sa mga artistang nakita ko, mas tumatak sa akin ang init ng pagtanggap ng mga taga-Laguna sa pangunguna ni Gov. Sol Aragones. Parang walang nagbago. Parang bumalik lang ang isang pamilyang matagal nang nawala sa telebisyon.

Nakapagtataka rin kung iisipin. Paano nga ba nagagawang kilalanin ng mga kabataan ngayon ang isang sitcom na dekada na ang nakalipas? Marahil dahil hindi lang ito palabas. Bahagi ito ng kultura. Bahagi ito ng kolektibong alaala ng mga Pilipino.

Timeless ang Home Along Da Riles. Kilala ito ng iba’t ibang henerasyon dahil bukod sa katatawanan, may puso. May mga aral na naiuuwi ang mga manonood sa bawat episode. Ipinakita nito ang tunay na larawan ng isang pamilyang Pilipino—may problema, may kakulangan, may bangayan, pero nagmamahalan at nagtutulungan.

Kaya naman magandang regalo ngayong Father’s Day ang reunion movie nito. Sa panahon ngayon na napakaraming mapagpipiliang panoorin, iba pa rin ang pakiramdam kapag bumabalik ang mga kuwentong naging bahagi ng ating pagkabata.

Personally, may kaunting kurot din sa puso ang pelikulang ito. Ikalawang Father’s Day na kasi itong wala si Papa. Kaya marahil mas malalim ang tama ng mga kuwentong umiikot sa pamilya, pagmamahal, at alaalang hindi kailanman kumukupas.

Hindi na maibabalik ang nakaraan. Hindi na rin natin muling makikita si Mang Kevin Cosme sa parehong paraan na minahal natin siya noon. Ngunit sa reunion movie na ito, muli nating mararamdaman ang init ng tahanan, ang halakhakan ng pamilya, at ang mga alaalang nagpapaalala kung bakit naging pambansang pamilya ang mga Cosme.

Ang sa aki lang, ngayong Father’s Day, samahan nating muli ang Pamilya Cosme. Balikan natin ang mga alaala. Tumawa, maantig, at magpasalamat sa mga taong nagsilbing haligi ng ating mga tahanan. Dahil ang Home Along Da Riles ay hindi lang kuwento ng isang pamilya. Kuwento ito ng bawat pamilyang Pilipino.