Nagreserba si coach Tim Cone ng isang spot para kay Justin Brownlee sa Gilas Pilipinas na magdedepensa ng gold medal sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya.
Asa pa si coach Tim na posibleng dumating ang manlaro.
Tatlong laro nang wala ang long-time naturalized import sa dalawang window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers – sa first round kontra Australia, at sa Aug. 27-31 window na ini-host ng bansa sa SM Mall of Asia Arena.
Sa mga larong ‘yun, 2-1 ang Gilas – talo sa Boomers bago kinolektahan ng panalo ang Jordan at Iran.
“We’ve opened up a spot for Justin,” balita ni Cone. “We’ll see if he ends up showing up.”
Sa US nagpagaling ng ankle, hamstring at knee injuries ang 38-year-old resident import ng Ginebra, hindi pa nga nakakalaro sa kampanya ng Gin Kings sa anim na game sa PBA 50 Governors Cup elims.
“We’re hoping there’s a chance. We heard that Justin might come in,” dagdag ni Cone. “It’s not confirmed, but he’s intending to come – that we know of.”
Sa Asiad, nasa Group C ang Pilipinas kasama ang China, Bahrain at Kazakhstan. Sa Sept. 10 ang siklab ng men’s basketball sa continental meet.
All-PBA squad na ang ipapadala sa Nagoya, hinugot mula sa Gilas-FIBA squad sina Justine Baltazar at Justin Arana ng Converge at si RJ Abarrientos ng Gins para isahog sa pool.
Kasama sa grupo sina Robert Bolick ng NLEX, Sedrick Barefield ng Blackwater, Adrian Nocum ng Rain or Shine at Zavier Lucero ng Magnolia.
Hindi pa puwedeng maglaro si Bennie Boatwright sa Asiad dahil wala pang Philippine passport.
“Anybody that goes on to that (Gilas) has to be from that 32 players (from the pool),” paliwanag ni Cone. “So none of the Japan guys are going, none of the Korean guys are coming. It’s strictly going to be a PBA team, along with, hopefully, Justin.” (Vladi Eduarte)











