WebClick Tracer

METRO

2 retired teacher pinagtataga ng kawatan

ABANTE TONITE

Dalawang retiradong guro ang sugatan matapos umano silang atakehin ng itak ng isang lalaki na nahuli nilang kumukuha ng kanilang mga tanim na gulay sa Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal.

Sa imbestigasyon ng Tanay Municipal Police Station, natutulog ang dalawang biktima sa sala nang pasukin umano ng suspek na armado ng itak at paulit-ulit silang inundayan.

Nakatalilis ang isa sa mga biktima at nakahingi ng tulong sa kapitbahay, dahilan para tumakas ang suspek at maiwan ang ginamit na itak.

Dinala sa ospital ang dalawang babae para malapatan ng lunas at kalaunan ay inilipat sa Morong Provincial Hospital para sa karagdagang gamutan.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay nahuli umano ng isa sa mga biktima ang suspek na kumukuha ng mga tanim na gulay at pinaniniwalaang nagkaroon ito ng sama ng loob sa mga biktima.

Naaresto naman ang 29-anyos na suspek na construction worker, na nahaharap sa kasong frustrated murder kaugnay ng pag-atake. (Ronilo Dagos)