Kapag sinabi nating “travel hero” sino agad ang naiisip mo?
Baka iyong kaibigan o kapamilya na laging nakaabang sa booking. Siya ‘yung nagha-hanap ng murang flights, magandang hotel, sulit na restaurant, at activities na pasok sa budget. Minsan nga ay discounted rate pa! Habang ang lahat ay excited sa biyahe, siya naman ang busy sa pag-aayos ng itinerary, nagko-confirm ng reservations at nagsisiguro na walang sablay sa plano.
Kung may ganitong tao sa travel group ninyo, alam mo na kung sino ang tunay na hero. Hindi man siya nakasuot ng cape o wala man siyang special super power malaking bagay ang ginagawa niya para maging smooth ang inyong trip.
Hero rin ang taong laging “ako na” kapag family travel ang usapan. Siya ang nag-iipon, nagbabayad ng tickets, hotel, pagkain at madalas, pati pasalubong para sa mga hindi nakasama sa trip. Hindi lang sarili niya ang iniisip niya dahil gusto niyang makapag-bonding at makapag-enjoy ang buong pamilya.
At siyempre, may special category ng travel heroes: ang responsableng miyembro ng travel group.
Alam niya ang travel rules. Hindi siya late sa call time. Hindi siya nang-iiwan ng kasama. Marunong siyang makisama, nagliligpit ng sariling kalat at hindi nagpapahirap sa tour guide, driver o sa ibang travelers. Simple lang ang mga bagay na ito, pero malaking tulong para maging maayos ang buong biyahe.
Pero habang pinag-uusapan natin ang mga personal travel heroes natin, huwag din nating kalimutan ang mga taong nagtatrabaho para maging ligtas at maayos ang ating paglalakbay.
Sila ang mga frontliner sa pantalan, paliparan, bus terminals, tourist destinations, hotels at iba pang bahagi ng travel industry. Kasama rito ang mga driver, tour guides, security personnel, ground crew, terminal staff at marami pang iba na madalas ay hindi natin napapansin.
Kabilang din dito ang mga manggagawa ng Philippine Ports Authority (PPA) at kanilang mga terminal operator.
Lalo nating nakikita ang dedication nila kapag may sama ng panahon. Habang karamihan sa atin ay naghahanap ng paraan para manatiling ligtas sa bahay, sila ay patuloy na naka-duty at handang magbigay ng serbisyo sa mga biyahero. At ang mas hindi natin madalas naiisip: may mga pagkakataong ang sarili rin nilang bahay at pamilya ay naaapektuhan ng bagyo o masamang panahon.
Pero kailangan pa rin nilang pumasok. Kailangan pa rin nilang tiyaking maayos ang operasyon, ligtas ang mga pasahero at may tutulong sa mga nangangailangan.
Kaya sa susunod na bumiyahe tayo, huwag lang nating isipin kung sino ang nag-book ng ticket o nagplano ng itinerary. Tingnan din natin ang mga taong nasa likod ng bawat ligtas at maayos na biyahe.
Sa bawat trip, may mga taong gumagawa ng extra mile para sa atin.
Sila ang ating travel heroes.
Kaya maraming salamat sa inyong lahat, sa nagbo-book, nagpopondo, nakikisama nang maayos, at higit sa lahat, sa mga taong patuloy na nagseserbisyo para makabiyahe tayo nang ligtas.
Saludo kami sa inyong lahat, mga travel heroes!











