Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang ayuda ng pamahalaan para sa mga mamamayan na lubhang apektado ng mga pagbaha bunsod ng habagat.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga residente ng mga binahang lugar na sumunod sa evacuation orders at iba pang anunsiyo ng mga awtoridad para sa kanilang kaligtasan.
Inatasan din ng Pangulo sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at Cabinet Secretary Benhur Abalos na personal na mag-inspeksyon sa mga bayan ng Hagonoy at Paombong sa Bulacan na apektado ng matinding pagbaha.
“Walang holiday-holiday sa Pangulo,” ayon naman kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa video message nitong Lunes, Agosto 31.
“Ang tulong po ay nandiyan at hindi po kayo hahayaang magutom,” pagtitiyak ni Castro sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.











