Naibenta na ang natitirang stake ng bilyonaryong si Batangas Rep. Leandro Leviste sa SP New Energy Corp. subalit misteryoso pa rin kung sino ang nakabili nito.
Ibinenta ni Leviste ang 2.4 bilyong shares ng SPNEC sa halagang P3 bilyon noong Agosto 20, ayon sa report na isinumite sa Securities and Exchange Commission.
Nagkakahalaga ng P1.25 kada share ang binenta kung kay’t nabawasan din ang stake ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. sa 11.51% mula sa dating 16.30%.
Sa August 27 filing na nilagdaan ni Leviste, hindi kinilala ang buyer, o ang rason ng pagbebenta, kung kaya’t hindi malinaw kung napunta ito sa foreign investor na dati na niyang kinakausap.
Nauna rito ay binili rin ng Meralco PowerGen ni Manny V. Pangilinan ang malaking stake sa SPNEC.
Noong Hunyo 2025, binenta ni Leviste ang 14.5 bilyong SPNEC shares sa MGen sa halagang P18.26 bilyon. Ibinenta naman sa public investor ang 1.84 bilyong shares sa halagang P2.23 bilyon.
Dahil sa mga deal na ito, naiwan na lamang sa Solar Philippines ang 8.16 bilyong shares. Kasama ang pinakahuling binentang shares, ang kinita ng mga kompanya ni Leviste sa pagbebenta ng shares ay umabot na sa P23.49 bilyon.
Ginawa ni Leviste ang pagbebenta ng kanyang mga shares sa harap ng problemang kinakaharap sa kanyang solar business.
Noong Enero, ipinataw ng Department of Energy (DOE) ang P24 bilyong multa sa Solar Philippines matapos putulin ang renewable energy contracts para sa 11,000 megawatts ng proyekto na hindi naman natupad. Isinulong din ng DOE ang hiwalay ng reklamo laban naman sa Solar Para Sa Bayan Corp.
Nakaladkad din si Leviste sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation kaugnay ng tanim-pokpok scandal kung saan target umanong siraan si Executive Secretary Ralph Recto.
Itinanggi naman ni Leviste na sangkot siya sa bulilyasong plano sa pag-frame-up kay Recto.











