Mag-uwi ng medalya sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games o mabaklas sa national sepak taraw team.
Ito ang matinding hamon na napagkasunduan ng Pilipinas Sepaktakraw Association Inc. at koponan na nakatakdang makipagkumpetensya sa quadrennial meet sa huling bahagi ng buwang ito sa Japan.
Isiniwalat ni PSTAI president Karen Tanchanco-Caballero, ang mabigat kasunduan sa mga miyembro ng team habang nakabinbin ang kanilang pag-alis para sa sportsfest na susulong sa Setyembre 19-Oktubre 3.
“I’d like to share that there is already a courtesy resignation on all athletes if they do not come home with a medal,” deklarasyon ni Caballero sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa media room ng Philippine Sports Commission nitong Martes, Setyembre 1.
“Ready sila. Handa rin sila because they have to give way rin. I mean we have given them all the support they needed for so many years. So it’s only fair for the Filipino taxpayers who pay for their allowances and support. So kumbaga, we only expect the best performance from our athletes and coaches,” hirit ng opisyal sa talakayang mga hatid ng San Miguel Corp., PSC, Philippine Olympic Committee, Milo at ArenaPlus.
Mahirap man ang gawain, tiwala si Caballero na magtatagumpay ang kanyang mga sepak takrawista tulad ng ginawa sa katatapos na ISTAF World Sepaktakraw Championship-39thThai King’s Cup sa Bangkok kung saan makasaysayang sinungkit ng men’s regu team (3-on-3) ang medalyang pilak at ang women’s quadrant (4-on-4) ang tanso.
Ang matangkad na si Jom Lerry Rafael, bahagi ng PH squad na nakapilak sa World Cup at tanso sa 2023 Hangzhou Asiad, ang muling bibida sa kampanya ng bansa kasama sina Jason Huerte, Reynaldo Asilum, Ronsited Gabayeron, Glindel Phori, Mary Ann Lopez, Kristine Lapsit, Rachelle Palomar, Nieva Jane Salon, Heart Makiling at Rhea Mae Dela Cruz. (Lito Oredo)











